Home OPINION OFWs PROTEKTAHAN SA KAGULUHAN SA EUROPA

OFWs PROTEKTAHAN SA KAGULUHAN SA EUROPA

2
0

HINDI lang dapat ihabilin ng mga awtoridad sa daan-daang libo hanggang milyong overseas Filipino worker sa Europa na mag-ingat at magbantay para sa kanilang kaligtasan sa gitna ng matinding riot na nagaganap.

Sa ngayon, ang mga bansang France, Italy, Portugal, Albania, Belgium, Greece, Serbia at Spain ang mga may riot ngunit sinasabing umuusok na rin ito sa iba pang mga bansang Europeo, kasama ang Britanya.

Pinakamatindi sa mga araw na ito ang mga nagaganap sa France, Italy at Spain.

Sa France, sinusunog ng mga rioter ang mga gusali, kasama ang mga gusaling pampamahalaan at mga sasakyan; sa Italy nilulusob ang mga tindahan saka pinagnakawan at sinunog din ang ilang sasakyan; at sa Spain at Portugal, matindi rin ang mga demonstrasyon.

Aktibong-aktibo ang mga kabataan laban sa labis na kakulangan ng pondo sa pag-aaral at hindi magandang kalagayan ng mga eskwela.

Sa pangkalahatan, nariyan ang mga problema sa krisis sa suplay at mataas na presyo ng mga produktong petrolyo, labis na kakulangan ng pabahay, mataas na presyo ng mga bilihin, demonstrasyon laban sa sobrang turismo na dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at renta sa mga bahay at hotel at hindi na makatugon ng kita ng marami sa mga mahal na presyo ng mga kalakal at serbisyo.

Lumalaban din ang milyong dayuhan na pinaaalis, kasama ang maraming Muslim at Africano.

Isang pangunahing hinaing ng mga nagra-rito ang hindi umano pakikinig ng kani-kanilang mga pamahalaan sa kanilang mga hinaing.

May kasamang gutom at paghihirap at marami ang naninisi sa kanilang mga pamahalaan na sa kabila ng mga gutom at paghihirap, nagbubuhos pa sila ng malaking pondo bilang suporta sa giyera ng Ukraine laban sa Russia.

Sa gitna ng mga kalagayang ito, madadamay at madadamay ang mga Pinoy, maaaring hindi lang sa mga karahasang nagaganap kundi maging sa kanilang paghahanapbuhay.

Nasaan ang mga epektibong aksyon ng pamahalaan para saluhin ang mga madadamay na Pinoy sa mga kaguluhan at iba’t ibang anyo ng krisis?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here