Home OPINION AYAW NAMIN SA GIYERA, GUSTO PA NAMING MAG-ESMIRINGHOY!

AYAW NAMIN SA GIYERA, GUSTO PA NAMING MAG-ESMIRINGHOY!

1
0

REAL talk lang to ha?

Dahil sa “baldeng utak” ng mga opisyal ng ating bayan, saan ba ninyo inaasahan tayo pupulutin kapag napikon sa atin ang bansang Tsina sa kanilang “kauurot” na magkagiyera? Walang iba kundi sa KUBETA.

Totoo naman na wala tayong binatbat kapag gumamit ng pwersa ang Tsina laban sa Pilipinas.
Durog tayo, marami ang mamamatay lalo ang mga walang kamalay-malay na isinubo sila sa digmaan. Reyalidad iyan. Hindi pananakot.

Saan ba nagsimula ng panibagong “word war” na ito sa pagitan ng ating mga opisyal at mga opisyal ng Tsina?

Tinawag ni Gibo Teodoro ang Tsina na “troublemaker” ng rehiyon.

Sumagot ang embahador ng Tsina na si Jing Quan: “Kalokohan ‘yan.”

Matapos nito ay idinagdag niya: “Kung gusto naming gumamit ng pwersa, madali lang kaming manalo. Ngunit hindi, hindi kami pipili ng pwersa, mahal namin ang kapayapaan.”

Sumakay ang mga Senador na sina Erwin Tulfo at Risa Hontiveros sa galit ni Teodoro. Ngayon ay nais nilang sipain palabas ng bansa si Jing Quan.

Dumagdag pa sa epal si Sen. JV Ejercito at binatikos niya ang mga Pilipino na kumakampi sa Tsina.

Masyadong maiinit ang ulo ng ating mga opisyal at politiko.

Silang mga politiko na sobrang taas ng ambisyon sa pulitika. Sariling interes. Kaya alam na natin kung bakit sila maiingay.

Si Teodoro, umaasa na siya ang mamanukin ng administrasyon sa 2028 Presidential elections kahit isa rin siyang Maltese citizen.

Gaya niya, ambisyon din ni Hontiveros na maging presidente. Matagal nang “kating-kati” ang kanyang puwit na maupo sa Palasyo.

Si Tulfo naman ay sinasabing pumoporma na maging bise. Matatapos na ang termino ni JV sa Senado kaya asahang sa kangkungan na siya pupulutin.

Sabi nilang apat, interes lang naman ng ating bayan ang kanilang iniisip, sabay batikos sa mga kumakampi sa Tsina na mga Makapili o traydor.

Sino ba ang totoong traydor? Hindi ba’t mas masahol pa nga sa traydor ang mga politikong inilalagay ang kanyang mamamayan sa panganib ng digmaan para lang sa pansarili nilang pakinabang?

Kung gusto nila ng giyera, sila-sila na lang. Lumusob na sila ngayon din sa West Philippine Sea.

Ang nais lang namin ay mabuhay nang tahimik at mapayapa. Gusto pa namin MAG-ESMIRINGHOY!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here