MANILA, Philippines — Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang pagkakaroon ng PhilHealth benefit package para sa postpartum mental health upang matulungan ang mga ina na nakararanas ng depression, anxiety at iba pang mental health conditions matapos manganak.
Sa ilalim ng House Bill 8617, inaatasan ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na bumuo ng package na sasaklaw sa screening, diagnosis at treatment ng postpartum mental health disorders. Nakabinbin ang panukala sa House Committee on Health mula Marso 18, 2026.
“Ang postpartum depression, anxiety o stress ay hindi dapat ipagwalang-bahala na lamang. This is a vulnerable stage in a mother’s life. It is essential that they are not left to face these challenges alone,” ani Yamsuan.
May umiiral nang outpatient mental health benefits ang PhilHealth na nagkakahalaga ng hanggang P9,000 kada taon para sa general mental health services at P16,000 para sa specialty care, ngunit wala itong hiwalay na package na partikular na nakatuon sa postpartum mental health.
Inaatasan din sa panukala ang Department of Health at PhilHealth na magsagawa ng nationwide information campaign upang maturuan ang mga ina tungkol sa postpartum mental health, kahalagahan ng pagpapatingin at mga serbisyong maaari nilang lapitan.
Ayon kay Yamsuan, maaaring hadlangan ng stigma, takot na husgahan at dagdag na gastusin ang ilang kababaihan na humingi ng propesyonal na tulong.
Sinusuportahan ng isang 2026 Philippine study ang pangangailangan para sa mas malawak na postpartum mental health support. Sa 856 pregnant at postpartum women na sinuri, 62% ng postpartum participants ang nagpakita ng clinically significant depressive symptoms. Mas mataas din ang risk sa mga edad 18 hanggang 24 at sa single mothers.
Binigyang-diin ni Yamsuan na hindi dapat ituring na pangkaraniwang bahagi lamang ng panganganak ang mental health struggles ng mga ina at kailangan silang mabigyan ng abot-kayang screening at treatment. RNT