Home NATIONWIDE ‘Expulsion’ tinitimbang ng ilang senador kontra Chinese envoy

‘Expulsion’ tinitimbang ng ilang senador kontra Chinese envoy

3
0

MANILA, Philippines – Maraming senador umano ang dismayado sa mga naging pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan na itinuturing nilang hindi diplomatiko at kawalang-galang sa Pilipinas, ayon kay Sen. JV Ejercito.

Sinabi ni Ejercito na napag-uusapan na rin sa hanay ng mga senador ang panukalang ideklarang persona non grata o hindi kanais-nais na tao sa bansa ang Chinese envoy.

“A lot of senators, in our group chat, are really disappointed,” ani Ejercito sa isang panayam nitong Miyerkules.

Gayunman, sinabi niyang kailangang pag-aralang mabuti ng Senado ang posibleng epekto ng naturang hakbang sa relasyon ng Pilipinas at China.

Nauna nang naghain si Sen. Risa Hontiveros ng resolusyon na humihiling kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklarang persona non grata si Jing o hilingin sa Beijing na pauwiin ang kanilang ambassador.

Kasunod ito ng kontrobersyal na pahayag ng Chinese envoy hinggil sa posibilidad ng paggamit ng puwersa ng China laban sa Pilipinas.

Ipinatawag din ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Jing noong Oktubre 19 upang ipahayag ang pagtutol ng gobyerno sa kanyang mga sinabi.

Sa kabila ng tensyon, iginiit ni Ejercito na kailangang maging maingat ang Pilipinas sa pagharap sa China at sabay na manindigan sa soberanya at karapatan nito sa West Philippine Sea.

“We have to play it intelligently and we have to proceed with caution,” sinabi ng senador.

Ayon kay Ejercito, batid niyang hindi kayang pantayan ng Pilipinas ang lakas-militar at ekonomiya ng China, ngunit hindi aniya nangangahulugan na dapat manahimik ang bansa sa usapin ng soberanya.

Nilinaw din niyang ang pagbatikos sa mga aksyon ng Beijing ay hindi nangangahulugang pabor sa digmaan o sa Estados Unidos.

Giit niya, ang kanilang posisyon ay para sa interes ng Pilipinas at sa pagtatanggol sa karapatan ng bansa.

Umaasa rin si Ejercito na magkakaroon ng diplomat ang Beijing na makatutulong sa pagkukumpuni ng lumalalang relasyon ng dalawang bansa.

Binigyang-diin ng senador na ang kanyang puna ay nakatuon sa asal at mga pahayag ng Chinese ambassador at hindi laban sa China o sa mamamayang Tsino.

Nauna nang nag-post si Ejercito ng video kung saan sinabi niyang dapat nang umuwi si Jing kasunod ng kontrobersyal na pahayag nito tungkol sa kakayahan ng China na manaig sakaling gumamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here