Home HOME BANNER STORY Revilla, pinababasura P92.8-M malversation case sa Sandiganbayan

Revilla, pinababasura P92.8-M malversation case sa Sandiganbayan

2
0

MANILA, Philippines – Hiniling ni dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Sandiganbayan na ibasura ang kasong malversation laban sa kanya kaugnay ng umano’y ghost flood control project sa Pandi, Bulacan na nagkakahalaga ng ₱92.8 milyon.

Kinumpirma ni Sandiganbayan Third Division Clerk of Court Dennis Pulma nitong Miyerkules na naghain si Revilla noong Lunes ng motion for leave na may kalakip na demurrer to evidence.

Sa pamamagitan ng demurrer, iginiit ng kampo ni Revilla na hindi sapat ang ebidensyang naiharap ng prosekusyon upang maituloy pa ang kaso laban sa dating senador.

Kapag pinayagan at pinagbigyan ng korte ang demurrer, maaaring maibasura ang kaso nang hindi na kinakailangang magpresenta ng sariling ebidensya ang akusado.

Kabilang sa mga tumestigo para sa prosekusyon sina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo at dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara.

Nahaharap si Revilla at anim na dating opisyal ng DPWH sa kasong malversation of public funds through falsification of public documents kaugnay ng flood control project sa Barangay Bunsuran, Pandi.

Ayon sa prosekusyon, nasa ₱76.9 milyon sa pondo ng gobyerno ang umano’y ilegal na nailabas para sa proyekto na nagkakahalaga ng ₱92.8 milyon kahit wala umanong aktuwal na istrukturang naitayo.

Isang ocular inspection na isinagawa noong Abril sa sinasabing project site ang nakitang walang nakatayong flood control structure sa lugar.

Inaakusahan din si Revilla na umano’y naging bahagi ng sabwatan kapalit ng 25 porsiyentong komisyon mula sa proyekto, alegasyong paulit-ulit niyang itinanggi.

Wala pang iskedyul para sa presentasyon ng ebidensya ng depensa habang hinihintay din ng korte kung maghahain ng kahalintulad na mosyon ang anim pang akusado.

Nakalaya si Revilla matapos maglagak ng ₱1 milyong piyansa noong Hulyo 31, matapos payagan ng Sandiganbayan ang kanyang bail petition.

Sa naunang ruling, sinabi ng korte na hindi naipakita ng prosekusyon na malakas ang ebidensya ng pagkakasala ni Revilla para sa layunin ng kanyang aplikasyon sa piyansa.

Hindi naman nangangahulugan ang naturang bail ruling na napawalang-sala na ang dating senador dahil patuloy na dinidinig ang pangunahing kaso laban sa kanya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here