Home NATIONWIDE DILG, PNP hinamon ni Win na paigtingin pagsugpo ng krimen

DILG, PNP hinamon ni Win na paigtingin pagsugpo ng krimen

4
0

MANILA, Philippines – Matinding hinamon ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na paigtingin nang husto ang kampanya laban sa krimen upang mapanatili ang pagbaba ng index crime.

Ipinanawagan ito ni Gatchalian sa isang kamakailang pagdinig sa Senado hinggil sa panukalang badyet ng DILG at ng mga kaugnay na ahensya nito para sa taong 2027.

“Ayaw kong gawing masyadong simple ang problema. Bumaba ng 5 porsiyento ang dami ng index crime, at nangangahulugan iyon na may mga pagsisikap na ginagawa sa field, ngunit kung paano papanatilihin ang gayong pagsisikap ang siyang hamon,” aniya.

Sa ilalim ng taunang ulat ng DILG noong nakaraang taon, bumaba ng 5.43% ang dami ng index crime tungo sa 32,948 na insidente. Ang mga index crime ay mga seryosong krimen na madalas mangyari kaya ginagamit itong sukatan ng pangkalahatang antas ng krimen at kaligtasan. Kabilang sa mga naturang krimen ang murder, homicide, robbery, carnapping, rape, at physical injuries.

Ayon kay Gatchalian, handa ang Senado na magbigay ng kinakailangang suporta sa badyet upang matulungan ang DILG at PNP na maipagpatuloy ang kanilang mga pagsisikap sa pagpigil sa krimen.

Nang tanungin ng senador kung anong mga hakbang ang makatutulong upang masugpo ang kriminalidad, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na ang pagpapawalang-bisa sa Republic Act No. 8294 ay makatutulong upang maiwasan ang mga krimen, dahil ginawa ng naturang batas na isang krimeng pwedeng magpiyansa ang ilegal na paghawak ng mga loose firearm. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here