Home NATIONWIDE Palasyo natawa lang sa alegasyong planong pabagsakin si VP Sara

Palasyo natawa lang sa alegasyong planong pabagsakin si VP Sara

3
0

MANILA, Philippines – Tinawanan ng Malacañang ang alegasyon ni Vice President Sara Duterte na binabago umano ng gobyerno ang taktika nito upang pabagsakin siya at iugnay ang kanyang mga isyu sa national security.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nitong Miyerkules na kabalintunaan umano ang pahayag ng Bise Presidente na nananawagan sa gobyerno na tumigil sa pamumulitika at magtrabaho.

“Habang binabasa ko siya kanina, ako ay lubhang natawa,” ani Castro.

“Nakakatawa dahil kabalintunaan ang kanyang mga sinasabi dito sa kanyang statement na may petsang October 20, 2026. Bakit nakakatawa? Pinag-uusapan dito ang patungkol sa may bandang dulo ay ‘start working and stop politicking,’” dagdag niya.

Nauna nang sinabi ni Duterte na tila binabago umano ng pamahalaan ang naratibo laban sa kanya matapos, ayon sa kanya, mabigo ang House prosecution team na makapaglatag ng nakakukumbinsing kaso sa kanyang impeachment trial.

Tinukoy ng Bise Presidente ang mga alegasyon hinggil sa isang negosyong sinasabing nakatanggap ng pondo mula sa China at ang nabigong pagpupuslit ng droga mula Laos na iniuugnay umano sa isang “Mindanao-Davao conspiracy.”

“Now, we are witnessing an apparent shift in the government’s narrative in taking me down, attempting to reframe the matter as a national security issue,” pahayag ni Duterte noong Martes.

Kinuwestiyon din niya ang ebidensyang sumusuporta sa naturang mga alegasyon at tinawag na posibleng fabricated ang kumalat na travel authority na nagsasabing bumiyahe umano siya patungong Laos.

Nauna nang sinabi ng Office of the Executive Secretary na wala itong natanggap na request at wala ring travel authority na inisyu para sa naturang biyahe.

Iginiit naman ni Castro na abala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtugon sa mga suliranin ng bansa, kabilang ang epekto ng Middle East crisis, mga kalamidad at El Niño.

“Kahit na nasa gitna tayo ng krisis ng Middle East, maraming kalamidad na humarap sa atin at sa ngayon ay may El Niño. Nandiyan ang Pangulo, hindi lang para managot ang dapat na managot, nagsusumikap, nagtatrabaho, pinapatupad ang batas para managot ang dapat na managot,” ani Castro.

Idinagdag niya na kabilang dito ang pagpapanagot sa mga taong umano’y “nagtatraydor sa bansa.”

Sinabi rin ng Palace official na hindi makikialam ang Malacañang sa nagpapatuloy na impeachment trial ng Bise Presidente sa Senado.

Sa kasalukuyan, Article II na lamang kaugnay ng alleged unexplained wealth ang ipinagpapatuloy ng House prosecution panel matapos nitong bawiin ang tatlo sa apat na Articles of Impeachment laban kay Duterte.

Nauna nang itinanggi ni Duterte ang mga paratang laban sa kanya at sinabing ginagamit lamang umano ang mga ito upang mapatalsik siya sa puwesto. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here