Home NATIONWIDE Isang insidente, kinalos ng ICC sa trial brief vs Digong

Isang insidente, kinalos ng ICC sa trial brief vs Digong

2
0

MANILA, Philippines – Inalis ng prosecution ng International Criminal Court (ICC) ang isang insidente mula sa trial brief nito laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kasunod ng kautusan ng Trial Chamber.

Sa updated trial brief na inihain ng prosecution, sinabi nitong tinanggal ang lahat ng pagtukoy sa tinatawag na Incident 57 matapos iutos ng korte na alisin ito sa listahan ng mga insidenteng nakapaloob sa kaso.

“The Prosecution hereby provides an updated version of its Trial Brief filed 4 September 2026… further to the Chamber’s order to remove Incident 57 from the incidents included in the Trial Brief,” ayon sa dokumento ng ICC na iniulat ng GMA News.

Hindi isinapubliko kung anong partikular na insidente ang tinutukoy bilang Incident 57 dahil naglalaman umano ito ng sensitibong impormasyon kaugnay ng mga testigo.

Pinalitan naman ng prosecution ng “[DELETED]” ang mga dating pagtukoy sa naturang insidente upang mapanatili ang cross-references sa dokumento.

Nilinaw din ng prosecution na walang ginawang pagbabago sa listahan ng mga testigo nito.

Gayunman, sinabi nitong nananatili sa trial brief ang iba pang insidenteng may kaugnayan sa Incident 57 dahil may mga elementong nagbibigay umano ng konteksto sa alegasyon ng crimes against humanity at sa sinasabing criminal responsibility ni Duterte.

Nilagdaan ang dokumento ni ICC Acting Prosecutor Mame Mandiaye Niang.

Patuloy na nakadetine si Duterte sa ICC detention center sa The Hague, Netherlands habang nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kampanya kontra ilegal na droga noong kanyang administrasyon.

Nakatakdang simulan sa Nobyembre 30 ang trial proceedings, habang patuloy na tinatalakay ng prosecution at defense team ang mga ebidensiyang ihaharap sa paglilitis. Nauna nang nagpahayag ng concern ang kampo ni Duterte hinggil sa dami ng ebidensiyang isinumite ng prosecution. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here