Home NATIONWIDE PBBM, buo pa rin tiwala kay Remulla sa kabila ng mga puganteng...

PBBM, buo pa rin tiwala kay Remulla sa kabila ng mga puganteng ‘di pa nahuhuli

2
0

MANILA, Philippines — Nananatili ang tiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Interior Secretary Jonvic Remulla sa kabila ng mga tanong sa pagkabigo ng mga awtoridad na madakip ang ilang high-profile fugitives, ayon sa Malacañang.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro nitong Miyerkules na walang indikasyong nawala ang trust and confidence ng Pangulo kay Remulla.

“Sa ngayon wala tayong masasabing hindi. Kasi kung wala, masasabi ko na sa inyo,” ani Castro sa Palace briefing.

Lumutang ang usapin matapos sabihin ni Remulla na nakalabas na umano ng bansa sa pamamagitan ng “backdoor” route ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, na nahaharap sa mga arrest warrant kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungero.

Ayon kay Castro, hindi pa natatalakay kay Marcos ang iniulat na paglabas ni Ang ng bansa.

Iginiit niyang kailangang imbestigahan muna kung may naging pagkukulang ang mga ahensyang responsable sa pagbabantay at paghuli sa mga wanted na indibidwal bago tukuyin kung sino ang dapat managot.

“Kung sino may mandato rito, magtrabaho sila. Kung mayroong mga pagkukulang dito, dapat malaman ito ng Pangulo,” ani Castro.

Sinabi rin ng Palasyo na hindi dapat agad ipalagay na may nagpabaya hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon sa umano’y paglabas ni Ang sa bansa.

Bukod kay Ang, kabilang sa mga high-profile personalities na hindi pa nasa kustodiya ng mga awtoridad sina dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, dating presidential spokesperson Harry Roque at Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Nahaharap si Co sa mga kasong may kaugnayan sa umano’y anomalya sa flood-control projects, habang may qualified human trafficking case naman si Roque kaugnay ng isang illegal POGO hub sa Porac, Pampanga.

Si Dela Rosa naman ay subject ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court kaugnay ng umano’y crimes against humanity sa kampanya kontra ilegal na droga ng nakaraang administrasyon.

Samantala, kinilala ni Remulla na problema ang pagbabantay sa mga tinatawag na “backdoor” o hindi opisyal na exit points ng bansa at sinabi niyang pinapalakas na ng pamahalaan ang border monitoring capabilities ng Philippine Coast Guard, Philippine National Police, Bureau of Immigration at iba pang ahensya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here