Home HOME BANNER STORY VP Sara: Marcos, mga solon dapat panagutin sa ‘unconstitutional’ na budget

VP Sara: Marcos, mga solon dapat panagutin sa ‘unconstitutional’ na budget

2
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Vice President Sara Duterte na panagutin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mga miyembro ng Kongreso kasunod ng desisyon ng Supreme Court (SC) hinggil sa 2024 at 2025 national budgets at ilang probisyon ng 2026 General Appropriations Act (GAA).

Giit ni Duterte, dapat managot sa taumbayan ang mga opisyal na sangkot sa pagpasa ng mga badyet na nakitaan ng Korte Suprema ng mga paglabag sa Konstitusyon.

“Ipinagtanggol ng Korte Suprema ang batas. Ngayon, panahon na upang managot sa taumbayan si Pangulong Marcos at ang mga miyembro ng Kongreso na naglapastangan at nagpakasasa sa pera na dapat ay napunta sana sa pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino,” ani Duterte.

Partikular na kinuwestiyon ng bise presidente ang naging papel ni Marcos sa pagpasa ng national budget, dahil kinakailangan ang lagda ng Pangulo bago maging batas ang General Appropriations Bill.

Ayon kay Duterte, kailangang ipaliwanag ni Marcos kung bakit niya nilagdaan ang badyet na aniya’y hindi na tumutugma sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite mismo ng kanyang administrasyon.

“Ang pambansang badyet ay pera ng taumbayan, hindi kasangkapan sa pamumulitika at personal na interes ng mga nasa puwesto sa gobyerno,” dagdag niya.

Sa desisyon ng SC, kinuwestiyon ang P449.5-bilyong pagtaas sa unprogrammed appropriations sa 2024 budget at ang P17.99-bilyong dagdag para sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways sa 2025 GAA.

Idineklara rin na unconstitutional ang Special Provisions 1(a) at 1(b) sa Chapter XLIII ng 2026 GAA na may kaugnayan sa paggamit ng unprogrammed appropriations.

Gayunman, nilinaw ng Supreme Court na hindi personal na pananagutan ng Pangulo o mga mambabatas ang direktang pinagpasiyahan sa naturang kaso.

Ayon kay SC spokesperson Atty. Camille Ting, nakatuon ang desisyon sa kung constitutional o hindi ang pagtaas at paggamit ng programmed at unprogrammed appropriations.

Sinabi rin niyang maaaring magkaroon ng civil, criminal o administrative liability ang sinumang author, implementor o perpetrator ng unconstitutional na unprogrammed appropriations kung mapatutunayang hindi sila kumilos nang may good faith, ngunit nakadepende ito sa anumang kasong ihahain at ebidensiyang ihaharap.

Samantala, hindi sang-ayon ang Malacañang sa ilang bahagi ng desisyon at inatasan na ang Office of the Solicitor General na maghain ng motion for reconsideration.

Iginiit ng Palasyo na sinunod lamang ng administrasyong Marcos ang umiiral na polisiya at proseso sa paggamit ng unprogrammed appropriations. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here