MANILA, Philippines — Muling bumagsak sa panibagong pinakamababang antas ang halaga ng piso kontra US dollar matapos magsara sa P63.361:$1 nitong Miyerkules, Oktubre 21.
Humina ng 27.1 sentimos ang piso mula sa P63.09 kada dolyar na pagsasara noong nakaraang trading day.
Umabot din sa P63.373:$1 ang pinakamahinang antas ng piso sa intraday trading, habang P63:$1 naman ang pinakamalakas nitong naitala sa maghapon.
Ito na ang ika-29 na pagkakataon ngayong taon na nagtala ang piso ng panibagong record low.
Iniuugnay ng mga ekonomista ang patuloy na paghina ng lokal na currency sa malakas na demand para sa dolyar, pandaigdigang financial uncertainty, mataas na presyo ng langis at mga pangamba sa lumalawak na balance of payments deficit ng bansa.
Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), umabot sa $9.1 bilyon ang balance of payments deficit ng Pilipinas hanggang katapusan ng Setyembre, mas mataas kumpara sa $5.3 bilyong deficit sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Maaari namang magdulot ng dagdag na pressure sa presyo ng mga bilihin ang patuloy na paghina ng piso, partikular sa mga produktong inaangkat ng bansa gaya ng langis.
Kapag mas mahal ang dolyar, mas maraming piso ang kailangang ilabas ng mga importer para makabili ng parehong halaga ng produktong mula sa ibang bansa, na maaaring maipasa sa presyo ng gasolina, pagkain, transportasyon at iba pang bilihin.
Positibo naman sa unang tingin para sa mga pamilyang tumatanggap ng remittances mula sa overseas Filipino workers ang mas mataas na palitan ng dolyar dahil mas maraming piso ang kanilang matatanggap. Gayunman, maaaring mabawasan ang benepisyong ito kapag kasabay na tumataas ang presyo ng mga bilihin.
Nakatakda namang magpulong ang Monetary Board ng BSP sa Huwebes sa gitna ng mga inaasahan sa merkado hinggil sa posibilidad ng panibagong interest rate adjustment. Dave Medina