Home HOME BANNER STORY DSWD umapela sa Senadong ibalik P63.9B pondo ng AICS

DSWD umapela sa Senadong ibalik P63.9B pondo ng AICS

2
0

MANILA, Philippines — Umapela ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Senado na ibalik sa P63.9 bilyon ang pondo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) sa 2027 national budget.

Ito ay matapos bumaba sa P33.3 bilyon ang panukalang pondo para sa programa sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP), mula sa P63.9 bilyon nitong 2026.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance nitong Miyerkules, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na nangangamba ang ahensya na hindi sasapat ang naturang pondo sa pangangailangan ng mga benepisyaryo.

“Nangangamba kami na ‘yung natira na AICS eh maaaring hindi sasapat kaya dumudulog ho kami na sana ibalik man lang to the minimum sa GAA level,” ani Gatchalian.

Ayon sa kalihim, mas mainam pa kung maitataas nang higit sa kasalukuyang P63.9-bilyong antas ang pondo dahil sa posibleng epekto ng inflation at El Niño sa presyo ng pagkain at iba pang pangunahing bilihin.

Tinanong naman ni Sen. Erwin Tulfo kung paano tutugunan ng DSWD ang mga posibleng kalamidad at iba pang emergency kung limitado ang magiging pondo ng programa.

Samantala, kinuwestiyon ni Sen. JV Ejercito kung paano masisiguro ng ahensya na hindi magagamit ang AICS para sa political patronage, lalo na habang papalapit ang 2028 elections.

Ayon kay Gatchalian, bagama’t maaaring i-refer ng iba’t ibang indibidwal o grupo ang mga humihingi ng tulong, ang mga lisensiyadong social worker ng DSWD pa rin ang nagdedesisyon kung kwalipikado ang aplikante at kung magkano ang maaaring ibigay na assistance.

“Nobody can dictate to them kung qualified or not qualified at kung magkano ang ibibigay,” ani Gatchalian.

Binanggit din niya ang kaso sa Iloilo kung saan nagsampa umano ang DSWD ng kaso laban sa ilang barangay officials dahil sa mga naiulat na iregularidad.

Napag-usapan din sa budget hearing ang obserbasyon ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng umano’y duplicate, multiple at overlapping AICS assistance noong 2025 na umaabot sa halos P400 milyon.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na hindi awtomatikong maituturing na duplicate ang pagtanggap ng isang benepisyaryo ng tulong nang higit sa isang beses.

Aniya, maaaring makatanggap ang isang tao ng magkahiwalay na assistance para sa iba’t ibang pangangailangan, gaya ng medical at burial assistance, basta naaayon ito sa guidelines ng programa.

Pinapayagan din umano ang muling pag-avail ng assistance sa loob ng itinakdang panahon hangga’t hindi lumalampas sa itinakdang maximum amount at dumaraan sa pagsusuri ng social worker.

Ang AICS ay isang demand-driven social assistance program ng DSWD na nagbibigay ng tulong sa mga indibidwal at pamilyang dumaranas ng krisis, kabilang ang pangangailangang medikal, pagkain, transportasyon at pagpapalibing. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here