Home NATIONWIDE Illegal recruitment ng Pinoys pa-Russia, tatalupan ng DMW

Illegal recruitment ng Pinoys pa-Russia, tatalupan ng DMW

2
0

MANILA, Philippines — Iniimbestigahan ng Department of Migrant Workers (DMW), katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno at international authorities, ang posibleng illegal recruitment ng mga Pilipino patungong Russia sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan nito laban sa Ukraine.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, nakikipag-ugnayan ang ahensya sa Department of Foreign Affairs, Department of National Defense at Department of Justice-Inter-Agency Council Against Trafficking upang matukoy at mapigilan ang naturang recruitment activities.

“We’re working closely also with DOJ-IACAT para masugpo ito. Meron at meron talagang illegal recruitment activity along these lines,” ani Cacdac sa Kapihan sa Manila Bay Forum nitong Miyerkules.

Lumabas ang pahayag kasunod ng mga ulat na isang Pilipino umano ang nasawi habang nakikipaglaban sa panig ng Russian forces sa Ukraine.

Hindi naman kinumpirma ni Cacdac ang naturang ulat, ngunit sinabi niyang may natutukoy silang illegal recruitment activities na may kaugnayan sa usapin.

Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye ang kalihim dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Nauna nang sinabi ng Department of Foreign Affairs na hinihintay pa nito ang opisyal na kumpirmasyon kaugnay ng ulat tungkol sa umano’y pagkamatay ng isang Pilipino na nakipaglaban para sa Russia.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang DMW sa mga kinauukulang ahensya upang matukoy kung paano isinasagawa ang recruitment at kung may iba pang Pilipinong maaaring nasangkot. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here