Home HOME BANNER STORY OSG, hihingi ng paglilinaw sa SC sa desisyon sa unprogrammed funds ng...

OSG, hihingi ng paglilinaw sa SC sa desisyon sa unprogrammed funds ng 2024, 2025 GAA

1
0

MANILA, Philippines – Hihilingin ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema ang paglilinaw at pag-repaso sa ilang bahagi ng desisyon nito na nagdeklarang uncons­titutional ang ilang probisyon kaugnay ng unprogrammed appropriations sa 2024 at 2025 General Appropriations Act (GAA).

Ang hamon ayon kay Solicitor General Darlene Marie Berberabe sa press briefing sa Malakanyang ay matukoy kung alin sa mga guardrails ang itinalaga ng Konstitusyon at alin ang dapat ipaubaya sa Kongreso at sa Ehekutibo sang-ayon sa kapangyarihang ipinagkaloob ng Konstitusyon mismo.

Sinabi pa ni Berberabe na sang-ayon aniya ang OSG na mahalaga ang mga guardrails upang matiyak ang transparency, pananagutan, at maingat na paggamit ng pondo ng bayan.

“Magalang na hihiling ang OSG ng paglilinaw upang matiyak na ang mga limitasyon at pamantayang itinakda sa desisyon ay naaayon sa paghahati ng mga kapangyarihang ito sa ilalim ng Konstitusyon,” ayon kay Berberabe.

Sa kabila nito, iginagalang ng OSG ang desisyon at malugod nitong tinatanggap ang pangunahing pasya ng korte na ang unprogrammed appropriations, bilang isang mekanismo ng pagba-budget ay hindi labag sa Konstitusyon. It was ruled as not unconstitutional per se.”

Nauna rito, sinabi ni Berberabe na natanggap na ng Office of the Solicitor General (OSG) ang kopya ng Desisyon ng En Banc ng Korte Suprema sa pinagsama-samang mga kasong Lagman v. The Congress of the Philippines, G.R. Nos. 271059, 271347, E-02472, at E-04036.

Sinabi pa niya na ang labing-dalawang magkakahiwalay na opinyon na kalakip ng desisyon ay nagpapakita kung gaano kasalimuot ang mga usaping konstitusyonal na iniharap sa Korte, gayundin ng magkakaibang pananaw ng mga mahistrado sa paglutas ng mga ito.

Maingat aniya na pinag-aaralan ng OSG ang mga opinyong ito sa pagpapasya sa mga susunod nitong hakbang.

Tiniyak ni Berberabe na nananatiling nakatuon ang OSG sa pagtulong sa Korte upang matiyak na ang mga pananggalang sa paggastos ng pondo ng bayan ay nakabatay sa Konstitusyon, habang iginagalang ang mga kapangyarihang ipinagkatiwala nito sa Kongreso at sa Ehekutibo para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Sa kabilang dako, nakatakdang maghain ng Motion for Reconsideration ang OSg sa nasabing usapin sa Nobyembre 4, 2026.

Samantala, handa ang Malakanyang na magpakita ng mga katibayan kung saan at paano ang naging paggugol sa unprogrammed funds mula 2024 hanggang 2026.

Sa katunayan, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na naka- account naman lahat kung ano ang pinuntahan o pinagkagastusan ng nasabing pondo habang nabanggit din naman aniya ng Korte Suprema ang Doctrine Of Operative Fact

Binigyang diin ni Castro na mananatiling kinikilala ang ilang nagastos bago ideklarang invalid ang batas, kung isinagawa ang mga ito “in good faith.” (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here