MANILA, Philippines – Planong subukan ng Department of Transportation (DOTr) at Maritime Industry Authority (MARINA) ang paggamit ng mga fully electric at hybrid ferry sa piling ruta sa bansa upang mabawasan ang carbon emissions at gastos sa gasolina.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez nitong Huwebes, layunin ng inisyatiba na gamitin ang hybrid technology upang makinabang ang mga pasahero, may-ari ng barko at kalikasan.
“Kaya nitong mabawasan ang konsumo ng fuel, carbon emissions, at gastos sa operasyon ng mga vessels. Ultimately, ang makikinabang dito ay ang ating mga pasahero,” ani Lopez.
Ayon sa DOTr, posibleng gumamit ng purong electric ferry sa rutang Iloilo-Bacolod, habang hybrid ferry naman ang planong subukan sa rutang Batangas-Calapan.
Isinusulong ng MARINA ang pilot testing kasunod ng naunang pag-aaral ng International Maritime Organization at World Bank tungkol sa pagpapahusay ng kaligtasan at energy efficiency ng mga pampasaherong ferry sa bansa.
Sa humigit-kumulang 4,000 domestic passenger ship sa Pilipinas, nasa 300 inter-island ferry ang responsable sa tinatayang 86 porsiyento ng carbon dioxide emissions mula sa mga domestic ferry, ayon sa DOTr.
Nakatakda namang magsagawa ang kagawaran ng konsultasyon sa mga stakeholder para sa Interisland Ferry Decarbonization Pilot Project sa Iloilo sa Nobyembre 4 upang talakayin ang mga kailangang rekisito sa pagsubok ng mga sasakyang-dagat.
Noong nakaraang buwan, nagsagawa rin ang Royal Norwegian Embassy sa Maynila ng apat na araw na pagbisita sa Norway para sa mga kinatawan ng maritime transport upang pag-aralan ang posibleng paggamit ng electric ferry network systems.
Ayon sa embahada, bahagi ng patuloy na kooperasyon ng Norway at Pilipinas ang pagsusulong ng mas malinis na panggatong, pagpapababa ng gastos sa transportasyon at mas malawak na paggamit ng mga inter-island at inland waterway sa bansa. RNT/MDS