MANILA, Philippines – Inamin ng isang testigo ng prosekusyon na hindi niya kailanman binanggit si dating Speaker Martin Romualdez sa mga affidavit na isinumite niya kaugnay ng flood control scam.
Ito ang sinabi ni Henry Alcantara, dating district engineer ng DPWH-Bulacan First Engineering Office, sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division sa petisyon ni Romualdez para makapagpiyansa.
Sa cross-examination, tinanong ni defense lawyer Thea Daep si Alcantara kung hindi niya nabanggit si Romualdez sa lahat ng kanyang mga pahayag. “Yes ma’am,” sagot ng testigo.
Isinumite ang mga affidavit ni Alcantara sa Senado, House of Representatives at Office of the Ombudsman.
Inamin din ni Alcantara na may “working arrangement” na sila ng noon ay DPWH Undersecretary Roberto Bernardo para i-rig ang bidding at paboran ang mga napiling kontratista, bago pa niya nakilala si dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co noong Setyembre 2021.
Parehong state witness na sina Alcantara at Bernardo at may immunity mula sa pag-uusig.
Ayon kay Alcantara, umiiral na ang kanilang sistema nina Bernardo at Co bago pa mahalal na Speaker si Romualdez noong Hulyo 25, 2022.
Sinabi niyang sa unang pagkikita nila ni Co noong 2021, naisumite na niya ang listahan ng mga proyektong popondohan sa pamamagitan ng 2022 bicameral conference committee sa pambansang budget.
Hiwalayumano ang listahang ito sa “wish list” na isinumite para maisama sa National Expenditure Program, ang bersyon ng budget na inihain ng Malacañang.
Ayon pa kay Alcantara, parehong naisumite ang dalawang listahan bago naging Speaker si Romualdez.
Ipinaliwanag din ni Alcantara sa mga mahistrado kung paano gumagana ang pagmamanipula sa mga kontrata ng DPWH.
Aniya, lahat ng kontratang dumaan sa DPWH-Bulacan First DEO ay napunta sa mga nauna nang itinakdang mananalo, na inayos ng mga “coordinator” na mga matataas na opisyal ng tanggapan.
“Ang coordinator ng mga kontratista ang kumakausap sa lahat ng contractor. Inaayos nila kung sino ang dapat manalo sa bidding,” paliwanav nito.
Nagbibigay umano ng “commitment fee” ang mga nakatakdang manalo kina Bernardo o Co.
Ayon kay Alcantara, “parang well-oiled machine” ang takbo ng sistema hanggang sa mabunyag ang anomalya.
Idinagdag niya na walang makikitang iregularidad sa mga rekord dahil “may aktuwal na bidding, nagsumite ng bid ang lahat ng contractor at sinigurado na dumaan sa regular na proseso.
“Pero gumana ang sistema dahil may paunang kasunduan na sa mga kontratista,” giit nito.
Nang tanungin ng mga mahistrado kung lahat ng kontratista sa DPWH-Bulacan First DEO ay kasabwat, sagot ni Alcantara: “Opo, Your Honor.”
Kahit may kontratistang hindi alam ang sistema na sumali sa bidding, alam umano ng coordinator ang gagawin dito.
Wala raw ni isang bidding sa kanyang distrito ang nakaligtas sa sistema.
“Bawat isa ay hinawakan ng coordinator,” pag amin nito.
“Sa pagkakaalam ko, lahat ng kontratistang nagbayad ng commitment ay nakakuha ng tamang proyekto. Walang nakitang dahilan para magreklamo,” pagtatapos ni Alcantara. RNT