MANILA, Philippines – Pinatunayan ni Marlene Gomez Doneza o mas kilala sa palayaw na “Running Inay” na kaya ng mga may edad na tumakbo nang higit 2,500 na kilometro matapos hiranging unang senior runner sa nakatapos ng Trans Pilipinas Endurance Run mula sa General Santos City hanggang sa Pagudpud, Ilocos Norte.
Mula August 5 hanggang October 15, sinuong ng 64-year-old ultra marathoner mula sa Batangas City ang pabago-bagong panahon at iba’t ibang terrains na sumubok sa kanyang kakahayan at kahusayan upang tapusin ang kanyang advocacy run at maging inspirasyon ng mga senior citizens na mamuhay ng active at healthy lifestyle.
Ito ang ikalawang subok ni “Running Inay” — bahagi ng Running Team CALABARZON — sa ultramarathon kasunod ng matagumpay na unang pagsabak nitong 2025 mula sa Sorsogon hanggang sa Pagudpud na may habang 1,300 kilometro sa loob ng 36 na araw.
“Sa totoo lang, mahirap bilang senior, may pagkakataon na paltos ang paa at masakit ang tuhod pero dahil sa mga taong tumulong at sumusuporta sa amin, lahat ay binabalewala namin at tuloy lang sa laban.”, sinabi ni Dioneza sa lingguhang Tabloid Organization in the Philippine Sports (TOPS) Usapang Sports Forum.
Para sa mga core members ng Team Running Inay, nagpapasalamat rin sila dahil nakatulong ng malaki ang advocacy run upang mas maraming hikayating mga senior citizen na maging aktibo sa iba’t ibang sports.
“Masaya po dahil very successful dahil maraming pinagdaaanan along the way, nandoon ang ulan, init, lahat susuungin, masayang masaya kasi di namin ineexpect na nagtagumpay na si Inay sa kanyang running journey na matapos ang 2,557 kilometers na run.”, sinabi ni Melanie Malinhan.
“Marami kaming pinagdaanang hirap pero masaya dahil dun sa Mindanao terrains at trails, kung paano namin inihurdle yung brutally challenging terrains like sa Davao, Bukidnon, Gingoog at Claveria, pati na ang mainit ang panahon, dumating kami dun ay mataas ang heat index nila… yan yung pinaghandaan ng husto at ang karanasan na dumaranas sa hirap ng terrain, talagang matinding ahon at lusong kahit sobrang init, kung paano ay pinaghandaan, hanggang pagdating ng Visayas Leg at Luzon Leg, medyo gumaan na.”, wika ni Nicanor Doneza sa forum na sinuportahan ng Philippine Sports Commission, Pocari Sweat at Behrouz Persian Cuisine.
Bukod pa rito ay mas lalo pang namomotivate si “Running Inay” dahil sa mga nakasasalubong sa daan na nagbibigay ng extra boost sa kanya.
May mensahe rin si Running Inay sa mga kapwa seniors na nais sumubok ng iba’t ibang sports bilang isang uri ng ehersisyo.
“Ang maipapayo sa mga seniors, sana’y maging active kahit nagretiro sa trabaho… siguro panahon na ang ating sarili ay ating asikasuhin. Pinakamahalaga po ang exercise kasi dapat ilagay natin sa daily na pangailangan kasi sa totoo lang, pag nag-eexercise, hindi po basta’t basta tamaan ng sakit, magaan ang kilos at hindi pagurin, palagi kayong energetic,” wika nito.