Home NATIONWIDE Sindikato ng pork import sa Aduana, pinalalansag ni Zubiri sa DA: ‘Ipakita...

Sindikato ng pork import sa Aduana, pinalalansag ni Zubiri sa DA: ‘Ipakita ngipin ng batas’

1
0

MANILA, Philippines – Matinding hinamon ni Senate Majority Leader Juan Miguel Migz Zubiri si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na lansagin ang sindikato ng umaangkat ng karne ng baboy sa Aduana na kinabibilangan ng malalaking smuggler sa bansa.

Sa pahayag, sinabi ni Zubiri na sapat ang hawak na batas ni Laurel upang malansag ang sindikato sa pamamagitan ng pagpapaigting ng kampanya laban sa mga nagsasamantala sa presyo ng baboy, smugglers at labis na importasyon ng karne,

“Kailangan, maipakita ang kanyang matatag na  pamumuno habang hirap ang libu-libong backyard hog raisers sa pagbagsak ng farmgate price habang mataas pa rin ang presyo sa palengke,” ayon kay Zubiri.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2027 budget ng Department of Agriculture nitong Oktubre 22, 2026, sinabi ni Zubiri kay Laurel na ilabas ang galit sa predatory pricing at sa mga smuggler at labanan sila at huwag matakot.

Kasabay nito, ikinatuwa ni Zubiri ang pahayag ni Laurel na pinaghahandaan ng DA ang pansamantalang pagsuspinde sa ilang importasyon ng baboy, at pinasalamatan ang kalihim sa pagtugon sa hinaing ng mga lokal na producer at backyard raisers na nahihirapan sa pagbaba ng farmgate price at pagtaas ng production cost.

Sinabi ni Laurel na maaari siyang magsuspinde ng importasyon ng kasim, pigue at belly sa loob ng 60 araw o itigil ang pag-iisyu ng bagong Sanitary and Phytosanitary Import Clearance o SPSIC na siyang permit na kailangan para makapag-angkat ng produktong agrikultura gaya ng karne para matiyak ang pagsunod sa animal health at food safety requirements.

Bagama’t nagpasalamat sa planong interbensyon, hinimok ni Zubiri ang DA chief na ipakita ang matatag na pamumuno sa pamamagitan ng regular na inspeksyon sa lahat ng palengke at nakikitang pagpapatupad laban sa mapang-abusong presyuhan,

“Dati, mismong mga opisyal ng agrikultura at trade ang nagsasagawa ng inspeksyon para tingnan ang presyo at imbestigahan ang reklamo ng mga mamimili dahil  gusto lang ng taumbayan na makakita ng mas maraming aksyon mula sa gobyerno,” ani Zubiri.

Kasunod ito ng dumaraming reklamo ng mga hog raiser sa Bukidnon at iba pang lalawigang agrikultural kung saan matindi ang epekto ng labis na kompetisyon sa import at pagtaas ng gastos sa produksyon, lalo na sa mga backyard producer na walang kakayahang makayanan ang matagalang pagkalugi.

Binigyang-diin ni Zubiri na 80 porsyento ng pork producers ay backyard farmers at 20 porsyento lamang ang malalaki.

Kaya aniyang mabuhay ng malalaking kumpanya kahit malugi nang kaunti, pero kawawang-kawawa ang 80 porsyento ng magsasaka.

Batay sa datos sa pagdinig, bumagsak ang farmgate price mula P185 kada kilo noong 2024 sa P90 hanggang P120 na lamang ngayong taon, na mas mababa sa tinatayang production cost na P130 hanggang P140 kada kilo kaya nalulugi ang maraming maliliit na producer.

Kinuwestiyon ni Zubiri kung bakit P90 hanggang P120 lamang ang bilihan sa backyard na napakababa at lugi na, habang napakamahal pa rin ng presyo sa merkado.

Binigyang-diin ng senador ang malaking agwat ng farmgate at retail price, kung saan umaabot sa P380 kada kilo ang pork belly sa mga palengke samantalang P100 lamang kada kilo ng buhay na baboy ang natatanggap ng ilang hog raiser sa Mindanao, na nagpapakita ng laki ng kinikita ng mga trader at middleman.

Ani Zubiri, hindi maintindihan ng mga magsasaka kung bakit mataas ang presyo sa palengke pero napakababa ng farmgate, na talagang nakakagulat.

Aniya, naghihirap ngayon ang mga magsasaka lalo na ang 80 porsyento kaya kailangan nila ng tulong mula sa DA para maramdaman talaga nila ang aksyon ng gobyerno.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here