QUEZON CITY, Philippines — Pinag-aaralan ng Bureau of Immigration (BI) at Office of the National Administrative Service (ONAR) ang posibleng pagtutulungan upang mapahusay ang pamamahala sa mga polisiya sa imigrasyon, mapaunlad ang kakayahan ng mga tauhan at mapalakas ang pananagutan sa serbisyo publiko.
Sa exploratory meeting na isinagawa noong Oktubre 10, 2026, sa UP Law Center, tinalakay ng dalawang tanggapan ang mga posibleng hakbang para mapabilis ang koordinasyon, palawakin ang pagbabahagi ng kaalaman at pagbutihin ang mga sistemang sumusuporta sa operasyon ng BI.
Bahagi ito ng pagsusulong sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magkaroon ng episyente, tumutugon at makabagong serbisyo ang mga ahensiya ng pamahalaan.
Kabilang sa mga pangunahing napag-usapan ang pagpapalakas ng koordinasyon sa pag-audit, pagkuha, pagsasama-sama, pagsusuri at sistematikong pagdodokumento ng mga polisiya sa imigrasyon na may epekto sa publiko.
Inaasahang makatutulong ang hakbang upang mas madaling mahanap ang mahahalagang impormasyon tungkol sa mga polisiya, matiyak ang pare-parehong pagpapatupad ng mga ito at mapahusay ang pagsusuri at pag-update sa umiiral na mga patakaran ng kawanihan.
Tinalakay rin ang mga posibleng programa sa pagsasanay para sa mga tauhan ng BI, kabilang ang Mandatory Continuing Legal Education (MCLE) para sa mga abogado, gayundin ang patuloy na pagpapahusay sa Quality Management System (QMS) ng ahensiya.
Layunin ng mga programang ito na palakasin ang propesyonal na kakayahan ng mga kawani at tiyakin ang mas obhetibo, malinaw at maaasahang proseso ng pag-audit.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony M. Viado, mahalagang sabayan ng pagpapalakas sa mga polisiya, proseso at kakayahan ng mga tauhan ang modernisasyon ng kanilang sistema at teknolohiya.
Binigyang-diin ni Viado na sa pamamagitan ng mas matibay na pakikipagtulungan sa ONAR, inaasahang mapabubuti ang pamamahala at pagsusuri sa mga polisiya sa imigrasyon, habang natitiyak na may sapat na kaalaman at kakayahan ang mga tauhan sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Aniya, mahalaga ang mga hakbang na ito upang makapaghatid ang BI ng serbisyong mas mabilis, maaasahan, malinaw at may pananagutan sa publiko.
Kaakibat din ng planong pakikipagtulungan ang reporma ni Viado na nakatuon sa kahusayan sa serbisyo publiko, pagpapaunlad sa mga tauhan, pagpapalakas ng pagpapatupad ng batas at paggamit ng teknolohiya sa modernisasyon ng ahensiya.
Sinusuportahan din nito ang mga layunin ng BI Strategy 2026–2040.
Pinangunahan ni ONAR Director Atty. Flordeliza C. Vargas-Trinidad ang pagpupulong, na dinaluhan din ng mga opisyal at kawani mula sa Policy and Planning Division (PPD), Management Information Systems Division (MISD) at Records Section ng Verification and Administrative Division ng BI.
Ayon sa BI, paunang hakbang pa lamang ang naturang talakayan upang matukoy ang mga konkretong larangan ng kooperasyon na maaaring magpalakas sa mga sistema ng kawanihan at higit pang magpaayos sa pamamahala ng mga polisiya sa imigrasyon. JAY Reyes