Home HOME BANNER STORY PNP full alert sa Undas 2026; 140K kapulisan ipakakalat

PNP full alert sa Undas 2026; 140K kapulisan ipakakalat

1
0

MANILA, Philippines – Naka-full alert ang Philippine National Police (PNP) sa buong bansa mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2 para sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day o Undas.

Aabot sa 140,000 tauhan mula sa iba’t ibang ahensiya ang ipinakalat para tiyakin ang seguridad ng publiko. Kabilang dito ang 72,501 pulis at 16,892 tauhan mula sa Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at iba pang ahensiya.

Tutulong din ang 51,467 force multiplier, kabilang ang mga barangay tanod, radio group at iba pang non-government organization.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Allen Rae Co, babantayan ng mga tauhan ang mga pangunahing kalsada, sementeryo, columbarium, transport terminal at mga pasyalan.

Inaasahang dadagsa ang mga tao sa mga sementeryo sa Nobyembre 1 at 2 upang dalawin at alalahanin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Pinaalalahanan din ang publiko na bawal magdala ng mga nakamamatay na armas, baril at kutsilyo sa loob ng mga sementeryo. Hindi rin hinihikayat ang pag-inom ng alak, habang mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng ilegal na droga at pagsusugal sa loob ng sementeryo.

Pinayuhan din ang mga bisita na huwag magdala ng malalakas na sound system upang mapanatili ang katahimikan at solemnidad ng okasyon.

Nagbabala rin si Co na mag-ingat ang publiko laban sa mga magnanakaw na maaaring samantalahin ang pagdalaw ng mga pamilya sa sementeryo upang pasukin ang kanilang mga bahay habang wala sila. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here