Home NATIONWIDE QC gov’t nanindigang igalang karapatan sa mapayapang pagtitipon

QC gov’t nanindigang igalang karapatan sa mapayapang pagtitipon

1
0

QUEZON CITY, Philippines – Iginiit ng Quezon City government na dapat igalang at pangalagaan ang karapatan sa mapayapang pagtitipon at malayang pagpapahayag kasunod ng komprontasyon sa harap ng tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong Oktubre 19, 2026.

Ayon sa pahayag ng lungsod, iniutos na ni Mayor Joy Belmonte ang imbestigasyon sa insidente. Binigyang-diin din niya na dapat managot ang sinumang mapatutunayang gumamit ng kapangyarihan upang manakit, manakot o humadlang sa mapayapang pagpapahayag. Inatasan din ang Quezon City Police District (QCPD) na pairalin ang maximum tolerance.

Batay sa nakalap na impormasyon, nagtungo ang mga magsasaka sa DAR para sa nakatakdang dayalogo kasama ang mga opisyal nito. Gayunman, alas-5 na ng hapon nang matanggap ng pamahalaang lungsod ang sulat mula sa DAR tungkol sa aktibidad.

Sa viral video ng insidente, makikita ang komprontasyon ng mga pulis at mamamahayag habang nagko-cover ang media sa kilos-protesta ng mga grupo ng magsasaka para sa Peasant Month.

Kabilang sa video ang pag-aresto kay Aaron Ernest Cruz, reporter ng Bulatlat, na paulit-ulit na sumigaw ng “Taga-Media ako!” habang ipinapakita ang kanyang ID. Makikita ring puwersahang hinila at kinaladkad siya ng mga tauhan ng QCPD.

Ayon sa pamahalaang lungsod, dapat payagang manatili ang mga magsasaka hanggang tanghali kinabukasan upang maipagpatuloy ang kanilang mapayapang pagkilos. Binigyang-diin din na dapat pakinggan at tugunan ang kanilang mga hinaing sa pamamagitan ng dayalogo. SANTI CELARIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here