MANILA, Philippines – Naglagay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng community-based water depot sa Barangay 105, Zone 8, Tondo, Maynila noong Huwebes, Oktubre 22, upang mabigyan ang mga residente ng malinis na inuming tubig at makatulong sa paghahanda sa inaasahang Super El Niño.
Ayon kay Assistant Secretary Leo Quintilla ng Resource and Logistics Management (RLM) ng DSWD, ito ang kauna-unahang community-based water depot na inilunsad sa bansa bilang bahagi ng paghahanda ng pamahalaan sa El Niño.
May kapasidad na 2,000 litro ang tangke ng water filtration system. Kaya nitong punuin ang isang 20-litro na lalagyan sa loob ng 20 minuto upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga residente.
Pilot project ito na planong palawakin ng DSWD sa iba pang rehiyon sa mga susunod na buwan.
“Kaya bahagi lamang ito ng solusyon, mga ginang at ginoo. Ang ipapakita namin ngayon ay isa lamang proyekto upang mabawasan ang epekto ng El Niño,” pahayag ni Quintilla.
Isinagawa ang proyekto katuwang ang non-government organization na Waves For Water Philippines, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang kahandaan sa sakuna at mabawasan ang panganib na dulot ng climate change sa mga bulnerableng komunidad.
“Napakahalaga ng tubig, lalo na ang tubig na ligtas inumin. Isa itong hamon sa panahon ng tagtuyot, sa panahon ng El Niño, at mas malala pa sa panahon ng Super El Niño,” dagdag ni Quintilla.
Sumailalim din ang mga residente sa oryentasyon at demonstrasyon tungkol sa pag-install at pagpapanatili ng sistema, gayundin sa wastong kalinisan at pagsasala ng tubig. SANTI CELARIO