Home NATIONWIDE Ombudsman susuriin ebidensya ng House prosecutors vs VP Sara

Ombudsman susuriin ebidensya ng House prosecutors vs VP Sara

2
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Susuriin ng Office of the Ombudsman ang mga ebidensyang maaaring i-turn over ng House prosecution panel kaugnay ng mga ibinasurang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes na dadaan muna sa evaluation ang mga ebidensya bago magpasya ang kanyang tanggapan sa susunod na hakbang.

“Probably we will be needing sworn statements. We will evaluate it first,” ani Remulla sa isang press briefing sa Cebu.

Nauna nang sinabi ni House lead prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky” Luistro na handa silang ibigay sa Ombudsman ang mga ebidensya at testimonya kaugnay ng mga impeachment charge na hindi na itinuloy sa paglilitis.

Tatlo sa apat na articles of impeachment laban kay Duterte ang inurong ng prosecution.

Kabilang dito ang Article I kaugnay ng paggamit ng confidential funds, Article III sa alegasyon ng bribery, at Article IV hinggil sa umano’y grave threats.

Nananatili sa impeachment trial ang Article II na may kaugnayan sa alegasyon ng unexplained wealth.

Giit ni Luistro, hindi masasayang ang mga ebidensya at testimonya na nakalap para sa mga inurong na articles dahil maaari itong suriin ng ibang ahensya ng pamahalaan para sa posibleng kaukulang aksyon.

Samantala, sinabi ni Remulla na nasa fact-finding stage pa ang usapin kaugnay ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth at ilang ari-ariang inuugnay kay Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Ayon sa Ombudsman, kailangan munang beripikahin ang mga impormasyong inihaharap sa kanilang tanggapan.

Wala pang pinal na findings o kasong inihahayag ang Ombudsman kaugnay ng mga ebidensyang maaaring isumite ng House prosecution. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here