Home HOME BANNER STORY Mas kaunting Pinoy tumutok sa Sara impeachment trial kumpara sa mga nauna...

Mas kaunting Pinoy tumutok sa Sara impeachment trial kumpara sa mga nauna — SWS

1
0

MANILA, Philippines – Mas kaunting Pilipino ang masusing sumubaybay sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kumpara sa mga nakaraang impeachment proceedings, ayon sa Social Weather Stations (SWS).

Sa survey na isinagawa noong Setyembre 21 hanggang 27, lumabas na 42% ng adult Filipinos ang nagsabing “very” o “somewhat” closely nilang sinusundan ang paglilitis kay Duterte.

Mas mababa ito sa 47% na naitala noong Enero 2001 sa impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Noong impeachment trial naman ni dating Chief Justice Renato Corona, 52% ang nagsabing masusing sumusubaybay noong Marso 2012 at 54% noong Mayo ng parehong taon.

Sa Sara Duterte trial, 15% ang nagsabing very closely nilang sinusundan ang proceedings habang 28% ang somewhat closely.

Samantala, 21% ang bahagya lamang na sumusubaybay, 27% ang hindi sumusubaybay at 9% ang nagsabing ngayon lamang nila narinig ang tungkol sa paglilitis nang kapanayamin.

Lumabas din sa survey na 39% ang nagsabing masyadong mabagal ang takbo ng impeachment trial, habang 31% ang nagsabing tama lamang ang bilis nito.

Nasa 22% naman ang nagsabing masyadong mabilis ang proceedings.

Pinakamataas sa Metro Manila ang nagsabing masyadong mabagal ang paglilitis sa 49%, kasunod ang Balance Luzon sa 46%, Visayas sa 35% at Mindanao sa 24%.

Samantala, nakapagtala ng -7 net trust score ang Senate Impeachment Court pagdating sa tiwala ng publiko na makapagbibigay ito ng patas na desisyon.

Nasa 28% ang may mataas na tiwala sa impeachment court, 35% ang may mababang tiwala at 32% ang undecided.

Isinagawa ang survey bago iurong ng House prosecution panel ang tatlo sa apat na articles of impeachment laban kay Duterte.

Nananatili sa paglilitis ang Article II na may kaugnayan sa alegasyon ng unexplained wealth, inaccurate Statements of Assets, Liabilities and Net Worth at umano’y kabiguang mag-divest ng business interests.

Saklaw ng SWS survey ang 1,500 adults edad 18 pataas sa buong bansa. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here