Home OPINION WATERFRONT CITY, PAMANA NI YORME ISKO SA MGA KABATAANG MANILENYO

WATERFRONT CITY, PAMANA NI YORME ISKO SA MGA KABATAANG MANILENYO

1
0

HINDI lang basta reclamation project kundi isang malaking puhunan para sa kinabukasan ng mga Manilenyo ang Manila Waterfront City sa Manila Bay na na todo-suporta si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso.

Gagastusan ng halagang tinatayang ₱76 bilyon ang 318 ektaryang proyekto na inaasahang magiging bagong sentro ng negosyo, turismo at libangan na pwedeng puntahan ng mga nais maglibang at mamasyal, hindi lamang ng mga Manilenyo, kundi ng mga taong dadako sa lungsod para magtungo sa Manila Bay.

Para kay Yorme Isko, mahalagang may maiwang pangmatagalang oportunidad ang kasalukuyang administrasyon para sa susunod na henerasyon, lalo na sa mga kabataang nangangarap ng disenteng trabaho at magandang kabuhayan.

Hindi biro ang inaasahang benepisyo ng proyekto dahil sa pagtaya ng mga eksperto, aabot sa isang milyon ang posibleng malikhang trabaho at oportunidad sa negosyo sa konstruksyon, turismo, hotel, retail at iba pang serbisyo.

Hindi hamak na mas malaki pa ang Manila Waterfront City kumpara sa Bonifacio Global City sa Taguig ang planong development, na magkakaroon din ng humigit-kumulang 95 ektaryang open space at luntiang lugar na tatawaging “Luneta by the Sea.”

Kapag naisakatuparan, maaari itong maging bagong pasyalan ng publiko at dagdag na atraksyon para sa mga turistang bibisita sa Maynila.

Tiniyak din ni Yorme Isko na igagalang ng lungsod ang mga umiiral na kontrata ng mga nakaraang administrasyon upang mapanatili ang tiwala ng mga mamumuhunan kaya’t kahit matapos ang kanyang panunungkulan, tuloy-tuloy ang pagnenegosyo rito ng mga mamumuhunan.

Target na matapos ang proyekto sa loob ng anim na taon kaya’t kung matatapos ni Yorme ang siyam na taon bilang Punong Lungsod, iiwanan niya ang walang kahalintulad na pamana sa mga susunod pang henerasyon.

Sa huli, ang tunay na sukatan ng proyektong ito ay hindi lang ang laki ng pondong ilalaan o ang ganda ng mga gusaling itatayo, kundi kung gaano karaming Manilenyo ang makikinabang at magkakaroon ng trabaho para sa mas magandang kinabukasan.

Ang tagumpay ng naturang proyekto ay hindi lamang sa administrasyon ng Yorme Isko kundi isa itong panalo ng mga Batang Manilenyo at sa mga susunod pang henerasyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here