Home HOME BANNER STORY Extradition petition vs Quiboloy target ihain bago matapos Nobyembre — DOJ

Extradition petition vs Quiboloy target ihain bago matapos Nobyembre — DOJ

3
0

MANILA, Philippines – Target ng Department of Justice (DOJ) na maisapinal at maihain bago matapos ang Nobyembre ang petition for extradition laban kay Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy.

Sinabi ni Chief State Counsel Dennis Arvin Chan na malapit nang matapos ang fact-checking, evaluation at validation ng DOJ sa mga dokumentong isinumite ng Estados Unidos kaugnay ng extradition request laban kay Quiboloy.

Ayon kay Chan, kinakailangang masusing suriin at i-cross-check ang mga karagdagang impormasyong nakapaloob sa request dahil ang mga kasong kinakaharap ni Quiboloy sa US ang magiging batayan ng petisyong ihahain sa korte.

“Malapit na kaming matapos sa aming fact-checking, evaluation, and validation of all the documents submitted,” ani Chan.

Humingi ang opisyal hanggang katapusan ng Nobyembre upang makapagbigay ang DOJ ng mas malinaw na update kung handa na itong maghain ng extradition petition.

Ipinaliwanag niyang hindi maaaring umasa lamang ang DOJ sa mga ulat o alegasyon at kailangang tiyaking kumpleto ang mga dokumentong sumusuporta sa bawat paratang.

Kapag kulang umano ang ebidensya, maaaring humina ang petisyong ihaharap sa korte.

Nilinaw din ni Chan na hindi na kailangan ng hiwalay na pahintulot mula sa Pangulo para ihain ang extradition petition dahil saklaw ito ng treaty obligations ng Pilipinas sa Estados Unidos.

Natanggap ng DOJ noong Agosto 7 ang formal extradition request ng US para kay Quiboloy at dalawa pang respondent.

Kinasuhan si Quiboloy sa Estados Unidos kaugnay ng mga alegasyon kabilang ang sex trafficking at iba pang federal offenses. Itinatanggi niya ang mga paratang laban sa kanya.

Ang paghahain ng petition for extradition ay hindi nangangahulugang awtomatikong maipapadala si Quiboloy sa US dahil daraan pa ito sa proseso at pagdedesisyon ng korte sa Pilipinas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here