MANILA, Philippines – Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maisapinal sa loob ng dalawang linggo ang mga panuntunan para sa mas malawak na paggamit ng unified, QR code-based identification system para sa persons with disabilities (PWDs).
Layunin nitong mapadali ang beripikasyon ng lehitimong PWD ID at masugpo ang pagkalat at paggamit ng mga pekeng card para makakuha ng discounts at iba pang benepisyo.
Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na handa na ang digital verification system at halos 80 porsiyento ng local government units (LGUs) ang nasanay na sa paggamit nito.
Nakikipag-ugnayan ang DSWD sa Department of Finance (DOF) at Department of Health (DOH) para amyendahan ang umiiral na implementing rules.
Sa ilalim ng sistema, magkakaroon ang PWDs ng digital identification credentials na may QR code na nakakonekta sa centralized database.
Maaaring i-scan ng restaurants, hotels at iba pang establishments ang QR code gamit ang cellphone upang agad na ma-verify kung lehitimong rehistrado ang cardholder.
Ayon kay Gatchalian, nasa 1,500 iba’t ibang disenyo ng PWD ID, issuing authorities at authorized signatures ang kasalukuyang ginagamit sa bansa, dahilan upang maging mahirap ang verification.
Kabilang sa mga problemang tinututukan ng gobyerno ang maling medical certifications, iregularidad sa ilang Persons with Disability Affairs Offices at paggawa ng pekeng PWD cards sa labas ng mga awtorisadong tanggapan.
Gayunman, sinabi ng DSWD na hindi magiging hadlang ang kawalan ng smartphone o internet dahil maaaring mag-print ang LGUs ng standardized physical PWD IDs.
Target ding i-integrate ang unified PWD ID system sa eGovPH application.
Humihingi naman ang DSWD ng karagdagang pondo para mabigyan ng computers at iba pang kagamitan ang mga LGU na wala pang sapat na resources para maipatupad ang sistema. Santi Celario