Home NATIONWIDE 200 Vietnamese nat’ls naabutan sa sinalakay na scam hub sa Subic

200 Vietnamese nat’ls naabutan sa sinalakay na scam hub sa Subic

7
0

MANILA, Philippines – Sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang umano’y scam hub sa Subic, Olongapo City kung saan nasa 200 Vietnamese nationals ang naabutan ng mga awtoridad.

Isinagawa ng NBI Pampanga District Office ang operasyon nitong Huwebes sa bisa ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 73 sa Olongapo City.

Nasamsam sa loob ng pasilidad ang mga computer, cellphone at dokumentong pinaniniwalaang ginagamit sa umano’y online scamming operation.

Inaalam pa ng NBI kung ang mga Vietnamese national na natagpuan sa lugar ay biktima ng human trafficking o bahagi mismo ng operasyon.

Batay sa paunang imbestigasyon, mistulang isang negosyo ang pagpapatakbo sa pasilidad kung saan pinoproseso umano ang deposits at withdrawals gamit ang bank at e-wallet accounts.

Naghahanda na rin ang NBI ng mga reklamong isasampa laban sa umano’y organizers at financiers ng operasyon dahil sa posibleng paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act, Cybercrime Prevention Act, Anti-Money Laundering Act at Anti-Trafficking in Persons Act.

Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na sinusundan na ng mga imbestigador ang daloy ng pera mula sa pasilidad patungo sa mga bank at financial accounts na posibleng ginamit sa operasyon.

Nakikipag-ugnayan na rin ang NBI sa Anti-Money Laundering Council at mga financial institution upang matukoy at ma-freeze ang mga account na maaaring konektado sa scam hub.

Iniimbestigahan din kung may international links ang operasyon.

Nauna nang sinabi ng Department of Justice na posibleng muling sumusulpot ang scam hubs sa bansa kasunod ng magkakasunod na operasyon sa Zamboanga Sibugay, Quezon City at Makati.

Ayon sa DOJ, mas maliit na ang mga kasalukuyang operasyon kumpara sa malalaking POGO at scam compounds na sinalakay noong mga nakaraang taon.

Patuloy naman ang operasyon ng mga awtoridad laban sa tinatawag na “micro-scam hubs,” kabilang ang ilang pinaghihinalaang pasilidad sa Metro Manila. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here