Home NATIONWIDE 96% ng coral reef systems sa mundo nanganganib malusaw ‘gang 2075 —...

96% ng coral reef systems sa mundo nanganganib malusaw ‘gang 2075 — IUCN

4
0

YEREVAN, Armenia – Halos lahat ng shallow-water coral reef systems sa mundo ay nahaharap sa matinding panganib na mag-collapse sa loob ng susunod na 50 taon dahil sa climate change, babala ng International Union for Conservation of Nature (IUCN).

Sa kauna-unahang global assessment nito sa coral reef ecosystems, inilagay ng IUCN ang 96% ng mga sinuring reef systems sa “critically endangered” category, ang pinakamataas na antas ng panganib bago ang ecosystem collapse.

Pangunahing banta sa mga coral reef ang patuloy na pag-init ng karagatan na nagpapalala sa coral bleaching.

Sinuri sa assessment ang 127 tropical at subtropical coral reef systems na sumasaklaw sa mahigit 188,000 square kilometers.

Kabilang sa mga reef na nasa critically endangered category ang Great Barrier Reef ng Australia, Coral Triangle sa Southeast Asia at western Pacific, Mesoamerican Barrier Reef System sa Caribbean at coral reefs sa Red Sea.

Bukod sa climate change, nakaaapekto rin sa coral reefs ang overfishing, coastal development, pollution, turismo at mas madalas na malalakas na bagyo.

Ayon sa IUCN, 63% ng coral reef ecosystems ang nanganganib din dahil sa labis na pangingisda sa parrotfish, groupers at iba pang species na mahalaga sa pagpapanatili ng ecological balance ng reefs.

Ipinaliwanag ng grupo na nagaganap ang coral reef ecosystem collapse kapag halos mawala ang hard corals na bumubuo sa reef at mapalitan ito ng algae, rubble at sponges.

Gayunman, sinabi ng IUCN na hindi pa huli ang lahat para sa coral reefs.

Binigyang-diin nito ang pangangailangan sa mas malaking pagbawas ng greenhouse gas emissions, mas mahigpit na proteksyon at restoration ng reefs, at patuloy na suporta sa coastal ecosystems at mga komunidad na umaasa rito.

Inilabas ang assessment habang idinaraos ang COP17 biodiversity summit sa Yerevan, Armenia, kung saan sinusuri ng mga bansa ang progreso sa pandaigdigang target na mapigil at maibalik ang pagkawala ng biodiversity pagsapit ng 2030. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here