Home NATIONWIDE ‘Kotong cops’ ‘di tatantanan ni Nartatez

‘Kotong cops’ ‘di tatantanan ni Nartatez

1
0

MANILA, Philippines – Walang puwang sa Philippine National Police (PNP) ang mga pulis na nangingikil sa publiko, ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. kasabay ng pangakong paiigtingin ang operasyon laban sa tinaguriang “kotong cops.”

“We are here to protect and not to exploit our vulnerable kababayans,” ani Nartatez, habang iginiit na patuloy na hahabulin, kakasuhan at aalisin sa serbisyo ang mga pulis na mapapatunayang sangkot sa extortion at iba pang ilegal na aktibidad.

Ginawa ni Nartatez ang pahayag matapos maaresto ang isang police staff sergeant na inuugnay sa umano’y pangongolekta ng “butaw” o protection money mula sa mga jeepney driver kada biyahe.

Iniugnay din umano ang naturang pulis sa pagpatay sa isang jeepney driver sa Katihan Bridge, Barangay Poblacion, Muntinlupa City noong Hunyo.

Ayon kay Nartatez, patuloy na magsasagawa ang PNP ng entrapment operations laban sa mga pulis na sangkot sa pangongotong.

Bukod sa criminal charges, nahaharap din ang mga tiwaling pulis sa administrative cases at posibleng pagkakatanggal sa serbisyo.

Pinag-aaralan din ng PNP ang pagpapahusay sa mga reporting mechanism upang maging mas madali para sa publiko ang pagsusumbong ng pang-aabuso ng mga pulis.

Nauna nang iniulat ng PNP na 2,719 personnel ang naparusahan dahil sa administrative violations mula Enero hanggang Agosto ngayong taon.

Sa bilang na ito, 713 ang sinibak sa serbisyo, 1,324 ang sinuspinde, 112 ang na-demote at 437 ang pinagsabihan o reprimanded.

Iginiit ng PNP na bahagi ng kampanya ang pagpapanagot sa mga abusadong pulis upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa hanay ng kapulisan. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here