MANILA, Philippines – Umabot sa P11.6 bilyon ang halaga ng smuggled agricultural at fisheries products na nasabat ng pamahalaan sa pinaigting nitong kampanya laban sa agricultural smuggling at economic sabotage.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, nakumpiska ang mga kontrabando sa 67 operasyon na isinagawa mula Pebrero 2025 hanggang Hulyo 2026.
Naghain din ang mga awtoridad ng administrative o criminal complaints laban sa 218 indibidwal na inuugnay sa mga operasyon.
Iginiit ni Recto na hindi lamang pag-iwas sa pagbabayad ng buwis ang epekto ng smuggling dahil nalalampasan din ng mga ilegal na produkto ang food safety inspections.
Nagbabala rin ang opisyal na maaaring samantalahin ng mga smuggler ang banta ng El Niño at posibleng kakulangan sa suplay upang magpasok ng mas maraming ilegal na produkto sa merkado.
Sinabi ni Recto na dalawang pangunahing hakbang ang itinutulak ng administrasyon para sa food security: palakasin ang lokal na produksyon at sugpuin ang smuggling na nakaaapekto sa kita at kumpiyansa ng mga lokal na magsasaka at producer.
Pinalakas ang kampanya sa ilalim ng Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na nagpapalawak sa mga ipinagbabawal na gawain at nagpapataw ng mas mabibigat na multa at parusa sa mga lalabag.
Bumuo na rin ng Special Team of Prosecutors para tutukan ang mga kaso sa ilalim ng batas.
Ayon sa pamahalaan, nakakuha na ang grupo ng conviction laban sa pitong indibidwal na sangkot sa smuggling ng tobacco products.
Itinatag din sa ilalim ng batas ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Council upang pangasiwaan ang whole-of-government campaign laban sa smuggling.
Inaprubahan naman ng Department of Budget and Management ang 49 bagong posisyon para palakasin ang full-time secretariat ng konseho.
Ayon kay Recto, lilipat na ang pamahalaan mula sa paisa-isang crackdown tungo sa mas tuloy-tuloy at intelligence-driven na operasyon laban sa mga network sa likod ng agricultural smuggling at iba pang uri ng economic sabotage. RNT