Home HOME BANNER STORY 35% ng Pinoy tamang-duda sa Senado sa patas na hatol sa Sara...

35% ng Pinoy tamang-duda sa Senado sa patas na hatol sa Sara impeachment — SWS

3
0

MANILA, Philippines – Mahigit isang-katlo ng mga Pilipino ang may mababang tiwala na makapagbibigay ang Senado ng patas na desisyon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon sa Social Weather Stations (SWS).

Sa survey na isinagawa noong Setyembre 21 hanggang 27, lumabas na 35% ng respondents ang may “little trust” sa Senado pagdating sa pagdedesisyon kung dapat o hindi dapat ma-convict si Duterte.

Samantala, 28% ang nagsabing may “much trust” sila sa Senado, habang 32% ang undecided.

Dahil dito, nakapagtala ang Senado ng -7 net trust score, na kinuwenta sa pamamagitan ng pagbawas ng porsiyento ng may little trust mula sa may much trust.

Ayon sa SWS, mas mababa ito kumpara sa tiwalang naitala sa Senado noong impeachment trials nina dating Pangulong Joseph Estrada at dating Chief Justice Renato Corona.

Noong Enero 2001, habang nililitis si Estrada, nasa +21 ang net trust sa Senado.

Nasa +11 naman ito noong Marso 2012 at +21 noong Mayo 2012 sa panahon ng impeachment trial ni Corona.

Gayunman, nilinaw ng SWS na indicative lamang ang paghahambing dahil three-point scale ang ginamit sa mga survey noong 2000–2001 at 2012, habang five-point scale ang ginamit ngayong 2026.

Negatibo rin ang net trust sa Senado sa lahat ng major geographic areas.

Pinakamababa ito sa Visayas sa -13, kasunod ang Metro Manila sa -8, Balance Luzon sa -6, at Mindanao sa -3.

Lumabas din sa survey na 39% ng respondents ang naniniwalang masyadong mabagal ang takbo ng impeachment trial, habang 31% ang nagsabing tama lamang ang bilis nito.

Nasa 22% naman ang nagsabing masyadong mabilis ang proceedings.

Isinagawa ang survey bago iurong ng House prosecution panel ang tatlo sa apat na articles of impeachment laban kay Duterte.

Nananatili sa paglilitis ang Article II na may kaugnayan sa mga alegasyon ng unexplained wealth, inaccurate Statements of Assets, Liabilities and Net Worth at umano’y kabiguang mag-divest ng business interests.

Saklaw ng survey ang 1,500 adults edad 18 pataas sa buong bansa. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here