Ito ang sagot ni House impeachment adviser Robert Ace Barbers sa alegasyong minamadali ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang matapos bago ang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas sa Nobyembre.
Ayon kay Barbers, nakabatay ang iskedyul ng paglilitis sa trial order na napagkasunduan bago pa nagsimula ang impeachment proceedings.
“Walang katotohanan ’yan, dahil ang scheduling ng ating paglilitis diyan sa ating impeachment court ay nakabase doon sa naaprubahang trial order mula sa ating clerk of court,” ani Barbers.
Ipinaliwanag niya na bago magsimula ang trial ay nagsagawa ng pre-trial conference ang prosecution at defense panels kasama ang clerk of court.
Dito umano pinag-usapan ang mga isyung tatalakayin, mga testigo at documentary evidence na ihaharap ng magkabilang panig.
Nauna nang inilabas ng Senate impeachment court ang revised November calendar kung saan nakatakdang ipagpatuloy ang trial sa Nobyembre 9 hanggang 13, at sa iba pang petsa sa huling bahagi ng buwan.
Sinabi rin ni impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero na naapektuhan ang calendar ng budget hearings, ASEAN-related break at mga holiday.
Giit ni Barbers, walang kaugnayan ang trial schedule sa pagbisita ni Trump para sa ASEAN Summit.
“So walang katotohanan na sinasabi nilang minamadali itong trial na ito,” aniya.
Itinanggi rin ni Barbers na may political motive ang impeachment proceedings o layuning hadlangan ang posibleng pagtakbo ni Duterte sa 2028 presidential elections.
“Ito po’y walang pulitika,” ani Barbers.
Nauna nang inurong ng House prosecution panel ang tatlo sa apat na articles of impeachment laban kay Duterte at piniling ituon ang kaso sa Article II kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth, hindi kumpletong deklarasyon ng assets at hindi umano pag-divest ng business interests.
Sinabi ng prosecution na target nitong matapos ang presentation ng kaso at umusad ang proceedings bago matapos ang Nobyembre o sa unang bahagi ng Disyembre.
Patuloy namang itinatanggi ng kampo ni Duterte ang mga alegasyon laban sa bise presidente.