BATANGAS, Philippines – Naitala ng Taal Volcano ang 29 volcanic earthquakes at 20 volcanic tremors sa loob ng 24 oras, indikasyon ng patuloy na aktibidad nito, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Biyernes.
Tumagal ng isa hanggang 11 minuto ang bawat naitalang pagyanig. Ayon sa Phivolcs, mula Oktubre 20 hanggang 22, nakapagtala ang bulkan ng 10 volcanic earthquakes at siyam na tremors, kasunod ng 43 volcanic earthquakes at 10 tremors noong Oktubre 19.
Ang volcanic earthquakes ay dulot ng mga prosesong may kaugnayan sa magma sa ilalim o malapit sa aktibong bulkan.
Naitala rin ang serye ng walong volcanic events nitong mga nakaraang araw. Kabilang dito ang mga phreatic eruption o pagsabog na dulot ng singaw noong Oktubre 19 at 20, gayundin ang isa pang naitala sa bulletin noong Oktubre 21.
Nagkaroon din ng phreatomagmatic eruption noong Oktubre 8, dalawa pa noong Oktubre 21, at isa noong Oktubre 22.
Sa pinakahuling ulat, mahina ang sulfur dioxide (SO₂) emission ng bulkan na tinatayang nasa 485 metric tons. Wala namang naobserbahang volcanic smog o vog at pag-angat ng maiinit na likido sa pangunahing crater lake.
Sa kabila ng mga pagyanig at pagputok, nananatili sa Alert Level 1 ang Taal Volcano, na nangangahulugan ng mababang antas ng volcanic unrest.
Muling nagbabala ang Phivolcs na ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island, pamamangka sa Taal Lake at pagpapalipad ng sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan dahil sa panganib ng biglaang pagsabog at iba pang volcanic hazards. RNT/MDS