Home TOP STORIES Taiwan, naghahanda na sa bagyong Champi

Taiwan, naghahanda na sa bagyong Champi

1
0

TAIWAN – Halos buong Taiwan ang nagsara nitong Biyernes bilang paghahanda sa pagdating ng Bagyong Champi (Rosal sa Pilipinas), na inaasahang magdadala ng malalakas na hangin at matinding pag-ulan. Bagama’t humihina na, hindi pa rin inaalis ang posibilidad na direktang tumama ang bagyo sa isla.

Ayon sa Central Weather Administration (CWA) ng Taiwan, umaabot sa 191 kilometro kada oras ang pagbugso ng hangin malapit sa sentro ng bagyo. Huling namataan ito sa layong 320 kilometro silangan ng katimugang dulo ng Taiwan.

Iniulat ng pamahalaan ng Taiwan na isang tao ang nasawi at 94 ang nasugatan, habang halos 1,300 residente mula sa mga bulubunduking lugar ang inilikas.

Ayon kay CWA forecaster Liu Pei-teng, posible pa ring tumama ang bagyo sa Taiwan kung ito ay huminto, umikot o magbago-bago ng direksiyon habang papalapit sa isla. Dahil malawak ang sakop ng hangin nito, maaaring mas tumagal ang epekto ng malalakas na hangin kapag bumagal ang bagyo.

Nagbabala ang mga awtoridad sa mga baybaying lugar tungkol sa pagbugso ng hangin na lampas 150 kph at pinayuhan ang mga residente na agad humanap ng masisilungan. Halos isang metro ng ulan ang inaasahan sa mga kabundukan sa hilagang Taiwan, kabilang ang paligid ng Taipei.

Sa Yilan, namahagi ang mga awtoridad ng sandbag at inihanda ang mga amphibious vehicle at inflatable rescue boat para sa posibleng pagbaha at paglikas. Sinabi ni Suao port town chief Lee Ming-chen na tutulong ang militar kung kinakailangan.

Nagsara rin ang mga pamilihang pinansyal sa Taiwan. Kinansela ang lahat ng 262 domestic flights at 669 international flights noong Biyernes, habang normal na nagpatuloy ang operasyon ng high-speed rail. Sa Taipei, patuloy na gumana ang pampublikong transportasyon, kabilang ang subway, bagama’t may limitadong serbisyo.

Ayon sa mga weather forecaster, umaabot sa 320 kilometro ang radius ng bagyo kaya halos buong Taiwan ang sakop nito, at maaaring tumagal nang halos dalawang araw ang epekto nito.

Inaasahang dadaan din ang Champi sa Yonaguni, pinakakanlurang tinatahanang isla ng Japan sa Okinawa Prefecture, bago magpatuloy sa direksiyon ng hilagang-silangang Taiwan at baybayin ng China. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here