QUEZON CITY, Philippines – Pansamantalang isasara ang apat na eastbound lane sa Commonwealth Avenue, mula Amity Street hanggang Ilang-Ilang Street, mula alas-11 ng gabi ng Sabado, Oktubre 24, hanggang alas-4 ng madaling araw ng Linggo, Oktubre 25, 2026, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Ayon sa ahensya, isasagawa ang pagsasara upang bigyang-daan ang pagbaba at pagbubuhat ng mga escalator para sa Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7).
Gayunman, mananatiling bukas at madaraanan ang dalawang lane ng service road habang isinasagawa ang aktibidad.
Hiniling ng DOTr ang pang-unawa at pakikiisa ng publiko sa pansamantalang pagsasara, na bahagi umano ng pagsisikap ng pamahalaan na mapabuti ang pampublikong transportasyon.
Target ng pamahalaan na simulan ang bahagyang operasyon ng MRT-7 sa 2027. Kapag ganap nang gumagana, inaasahang mapaiikli nito sa humigit-kumulang 35 minuto ang biyahe mula Quezon City hanggang San Jose del Monte, Bulacan, at makapagsilbi sa tinatayang 300,000 pasahero sa unang taon ng operasyon. RNT/MDS