Home NATIONWIDE Chiz: Common areas sa subdivision, condominium, gagawing exempted sa RPT

Chiz: Common areas sa subdivision, condominium, gagawing exempted sa RPT

16
0

MANILA, Philippines – Ipinanukala ni Senador Francis “Chiz” Escudero ang isang batas na nag-aalis ng buwis (Real Property Tax o amilyar) sa mga “common areas” sa loob ng subdivision at condominium bilang tulong sa home-owners.

Layunin ng Senate Bill No. 2569 na inihain ni Escudero noong Oktubre 21 na amyendahan ang Section 234 ng Republic Act 7160 o ang Local Government Code of 1991.

Aalisin din ang isang nakatagong gastusin na ipinapasa sa mga residente sa pamamagitan ng kanilang buwanang association dues.

Sa kasalukuyang sistema pinapatawan ng buwis ang mga espasyo na pinagsasaluhan o ‘common areas’ katulad ng mga pasilyo, lobby, parke at iba ang mga pasilidad na hindi naman nagbibigay ng kita.

Ayon sa beteranong mambabatas, ang buwis na ito sa mga ‘common areas’ ay nagpapataas sa gastusin sa pagpapanatili ng pagmamay-ari ng bahay kung saan nagbabayad rin ng amortization, kuryente at tubig, at nagtataasang gastusin sa pamumuhay.

“Hindi naman kumikita ang mga lugar na ito, pero pinapatawan pa rin ng buwis. Sa huli, ang mga pamilyang nakatira ang nagbabayad, hindi ang developer,” punto ni Escudero.

Sa ilalim ng SB 2569, lahat ng bahagi ng isang residential condominium o subdivision project na opisyal na itinalaga o kinikilala bilang “common areas” ay malilibre sa pagbabayad ng Real Property Tax basta’t hindi ginagamit ang mga ito para sa komersyal na negosyo o anumang aktibidad na kumikita ng pera.

Ang mga espasyong ginawa para sa negosyo ay mananatiling may buwis, upang masigurado na ang libreng buwis ay para lamang sa mga pasilidad na pinagsasaluhan ng mga residente.

Sa kanyang explanatory note, binigyang-diin ni Escudero naang pagkakaroon ng homeownerhsip ay hindi lamang tungkol sa pagbili ng isang unit kundi pinapanatili rin ang mga pampublikong pasilidad na nagsisilbi sa buong komunidad.

Dagdag pa niya, ang pagpapataw ng real property tax sa mga common area ay hindi lamang nagdaragdag sa paulit-ulit na pasaning pinansyal ng mga homeowner, kundi maaari ding panghinaan ng loob ang mga developer na maglaan ng lupa o floor space para sa mga pasilidad sa mga komunidad.

Ayon pa kay Escudero, ang panukala ay tugon sa lumalaking sentimiyento ng mga pamilyang may katamtamang kita (middle income) na nakakaramdam na mas kaunti ang natatanggap nilang direktang tulong mula sa pamahalaan, kahit na sila ang pangunahing pinagmumulan ng buwis sa bansa.

“Madalas silang hindi pasok sa ayuda, pero sila rin ang may pinakamabigat na gastusin buwan buwan. Nararapat lang na sila ay makatanggap ng angkop na atensyon at tulong upang maibsan ang kanilang mga dinadala,” diin ni Escudero.

Karaniwang ipinapasa ng mga developer ang singil ng real property tax ng mga common area sa mga homeowners’ association (HOA), na nagiging dahilan ng mas mataas na buwanang pambayad (dues). Matagal nang ipinaglalaban ng mga grupo sa pabahay na ang mga shared space na ito ay hindi naman kumikita ng pera, kaya hindi dapat itinuturing bilang taxable property.

Kung maisasabatas, ang panukala ay inaasahang magpapababa ng buwanang kontribusyon para sa milyun-milyong naninirahan sa mga condominium at subdivision sa buong bansa, magbibigay ng malaking tulong at ginhawa sa panahong patuloy nahihirapan ang mga pamilya sa tumataas na presyo ng pagkain, petrolyo, at mga bayarin sa kuryente at tubig.

Si Escudero ang kasalukuyang chair ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here