Home METRO Visayas grid, red alert; Mindanao grid, yellow alert sa kakulangan ng suplay...

Visayas grid, red alert; Mindanao grid, yellow alert sa kakulangan ng suplay ng kuryente

3
0

MANILA, Philippines – Isasailalim sa Red Alert ang Visayas power grid at Yellow Alert naman ang Mindanao grid ngayong Biyernes, Oktubre 23, dahil sa kakulangan ng mga planta na nagbibigay ng kuryente at mga naka-outage na pasilidad, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Sa Visayas, ipatutupad ang Red Alert mula alas-5 hanggang alas-6 ng gabi. Magkakaroon din ng Yellow Alert mula alas-4 hanggang alas-5 ng hapon at alas-6 hanggang alas-8 ng gabi.

May available capacity na 2,407 megawatts (MW) ang Visayas grid, kumpara sa peak demand na 2,558 MW.

Ayon sa NGCP, kabilang sa mga dahilan ng alerto ang hindi operasyon ng malalaking coal plant na PEDC 3 at KSPC 1. Limitado rin ang suplay ng kuryenteng maaaring i-import mula sa Mindanao dahil sa nakaplanong outage ng GNPK 4 at TSI 2, gayundin sa hindi inaasahang outage ng TSI 1 at Pulangi 4 Unit 2.

Iniulat din ng NGCP na maraming planta ang matagal nang naka-forced outage, kabilang ang walong planta na nag-outage ngayong Oktubre. Mayroon ding mga planta na hindi gumagana mula pa noong Setyembre, Agosto, Hunyo, Mayo at mga nakaraang taon.

Samantala, 19 na planta ang tumatakbo sa mas mababang kapasidad, kaya 606.6 MW ang hindi naibibigay sa grid.

Sa Mindanao naman, ipatutupad ang Yellow Alert mula alas-5 hanggang alas-6 ng gabi. Kabilang sa mga dahilan ang nakaplanong outage ng GNPK 4 at TSI 2, gayundin ang hindi inaasahang outage ng TSI 1 at Pulangi 4 Unit 2.

May available capacity na 2,847 MW ang Mindanao grid, kumpara sa peak demand na 2,661 MW.

Ayon sa NGCP, 11 planta ang naka-forced outage ngayong Oktubre, habang may iba pang hindi gumagana mula pa noong Setyembre, Agosto, Hulyo, Hunyo, Enero at mga nakaraang taon. Tatlong planta rin ang tumatakbo sa mas mababang kapasidad, dahilan upang mawalan ng 474.9 MW na suplay ang grid.

Paliwanag ng NGCP, idinedeklara ang Red Alert kapag hindi sapat ang suplay ng kuryente upang matugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer at ang kinakailangang reserba ng transmission grid. Samantala, itinatakda ang Yellow Alert kapag hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang kinakailangang reserba para sa mga posibleng aberya sa grid. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here