Home NATIONWIDE Isa o dalawang mayor sa Cavite, maaaring ipatanggal dahil sa korapsyon –...

Isa o dalawang mayor sa Cavite, maaaring ipatanggal dahil sa korapsyon – Ombudsman

4
0

MANILA, Philippines – Nagbabala si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na posibleng tanggalin sa puwesto ang isa o dalawang mayor sa Cavite dahil sa umano’y korapsyon, pang-aabuso sa kapangyarihan at paghadlang sa operasyon ng mga negosyo.

“I’m gonna remove a mayor or two sa Cavite kasi hindi sila cooperative sa business. Saka nagpapahirap, sobra sa corruption. Abuse of power,” ani Remulla sa pakikipagdayalogo sa mga miyembro ng industriya ng lechon sa Cebu nitong Biyernes, Oktubre 23, ayon sa pahayag ng Office of the Ombudsman (OMB).

Hindi pinangalanan ng Ombudsman ang mga mayor na tinutukoy at wala rin siyang ibinigay na karagdagang detalye tungkol sa mga alegasyon.

Ayon kay Remulla, kikilos ang kanyang tanggapan laban sa mga opisyal na umano’y nanghihingi ng pera sa mga negosyante, nagpapabagal sa pagproseso ng mga permit at umaabuso sa kanilang kapangyarihan.

Ginamit niyang halimbawa ang pag-unlad ng ekonomiya ng Cavite, na aniya ay bunga ng maayos na pagpaplano at pamahalaang nagtatrabaho para sa mamamayan.

“Ang Cavite, ang reputation ngayon, very progressive. That’s because pinagplanuhan talaga natin, tsaka we kept government working for the people,” ani Remulla, na dating gobernador ng Cavite at kinatawan ng ika-7 distrito ng lalawigan bago naging kalihim ng Department of Justice noong 2022 at kalaunan ay Ombudsman.

Ibinunyag din ni Remulla na may mga lugar kung saan umaabot umano sa puntong humihingi ng porsiyento sa kita ng mga negosyo ang ilang opisyal, na nagpapataas sa gastos sa pagpapatakbo ng mga ito.

“It comes to the point, kasosyo na sila ng mga negosyante. May porsyento na sila sa ginagawa niyo,” aniya.

“Ang cost of doing business niyo tumataas dahil maraming nang-iipit. At ’yan ang gusto natin baguhin,” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Remulla na dapat tumulong ang pamahalaan sa mga lehitimong negosyo sa halip na pahirapan ang mga ito.

“It shouldn’t happen. Government should be there to assist business kasi nga kayo ang economy. Without business, the economy is nothing,” aniya.

Bilang tugon sa mga reklamo ng sektor ng negosyo, inihayag ni Remulla ang pagbubukas ng “Investors’ Window” sa Ombudsman upang magkaroon ng direktang paraan ang mga negosyante at mamumuhunan na magsumbong tungkol sa mga opisyal at transaksiyong nakaaapekto sa kanilang operasyon.

“We’re opening this Investors’ Window sa Ombudsman. Lahat ng problema ng business sector, masasabi nila at magawan namin ng paraan,” ani Remulla.

Ayon sa OMB, tututukan ng mekanismo ang mga reklamo tungkol sa pangingikil, pang-aabuso sa kapangyarihan, hindi makatwirang pagkaantala at iba pang maling gawain ng mga opisyal ng gobyerno.

Sinabi rin ni Remulla na susulatan ng kanyang tanggapan ang mga opisyal na iniulat ng Anti-Red Tape Authority dahil sa hindi pagproseso ng mga permit. Nagbabala siyang maaaring masuspinde ang mga ito kung patuloy silang hindi kikilos.

Nangako rin siyang hindi magpapadala sa panggigipit na protektahan ang mga makapangyarihang indibidwal laban sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.

“Maraming pressure sa amin. Protektahan ’to, huwag papatulan ’to. Huwag ikukulong ’yan, huwag idemanda ’yan. Hindi po. Kailangan gawin namin. Gagawin namin talaga,” diin niya.

Ayon sa OMB, bahagi ng Investment Ombudsman program ang pakikipagdayalogo sa industriya ng lechon sa Cebu. Layunin nitong palakasin ang ugnayan sa sektor ng negosyo at tukuyin ang mga problema sa pamamahala na nakaaapekto sa ekonomiya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here