Home NATIONWIDE P467B pondo sa 2024, 2025 budget, ‘di na mababawi

P467B pondo sa 2024, 2025 budget, ‘di na mababawi

3
0
Supreme Court

MANILA, Philippines – Hindi na maibabalik sa kaban ng gobyerno ang hindi bababa sa ₱467 bilyong kuwestiyonableng dagdag-pondo sa pambansang budget ng 2024 at 2025 na idineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema.

Ayon kay Supreme Court spokesperson Camille Ting nitong Miyerkules, mananatiling balido ang pondong nagamit na sa mga programang hindi na maaaring bawiin, basta kumilos nang may mabuting hangarin ang mga benepisyaryo. Saklaw ito ng doctrine of operative fact.

“The court mentioned that for those programs, irreversible programs, where the beneficiaries acted in good faith, under the doctrine of operative fact, they would be considered valid. So … there will be no funds returned in that case,” ani Ting.

Saklaw ng desisyon ang ₱449.5 bilyong unprogrammed appropriations na idinagdag sa 2024 General Appropriations Act (GAA) at ₱17.992 bilyong dagdag sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa 2025 GAA.

Sa 121-pahinang desisyon na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, sinabi ng Korte Suprema na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Kongreso sa pagdaragdag ng unprogrammed appropriations at iba pang special provisions lampas sa halagang iminungkahi ng ehekutibo.

Nilinaw ng korte na hindi awtomatikong labag sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations, na nagsisilbing pondong maaaring gamitin kapag natugunan ang mga itinakdang kondisyon. Gayunman, dapat itong sumunod sa mga limitasyong konstitusyonal at hindi dapat magbigay ng labis na kapangyarihan sa ehekutibo sa paggastos.

Ayon kay Ting, maaari pa ring habulin sa mga kinauukulang hukuman o tribunal ang posibleng kasong kriminal o administratibo kaugnay ng mga kuwestiyonableng dagdag-pondo. Hindi pa pinal ang desisyon at maaari pang hilingin ng gobyerno na ito ay muling pag-aralan.

Inihayag ni Palace press officer Claire Castro na inatasan ang Office of the Solicitor General na magsumite ng motion for reconsideration sa Korte Suprema.

“We respectfully request the Supreme Court to reexamine its decision. The Office of the Solicitor General has also been directed to file a motion for reconsideration,” ani Castro.

Iginiit niyang lehitimong mekanismo sa pagpopondo ang unprogrammed appropriations. Kinuwestiyon din niya ang kondisyon ng korte na dapat munang lumampas sa kabuuang target na kita ng gobyerno ang aktuwal na koleksiyon bago magamit ang naturang pondo.

“In our view, the condition set by the Supreme Court—that total collections must first exceed the total revenue target before unprogrammed appropriations can be utilized—constitutes an outright alteration of the conditions established by Congress,” ayon kay Castro.

Dagdag niya, walang nilabag na batas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpirma sa mga budget at maayos umanong naitala ang paggamit ng pondo.

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, napapanahon ang desisyon habang sinusuri ng Senado ang bersiyon ng Kamara sa panukalang ₱7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027.

Tinawag niyang pinakamasama sa kasaysayan ng Kongreso ang mga budget para sa 2024 at 2025, kasunod ng pagdedeklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang Disbursement Acceleration Program (DAP) sa ilalim ng 2013 budget.

“The 2024 and 2025 GAAs will go down in history as the worst budgets ever passed by Congress after the [DAP] under the 2013 GAA was also declared unconstitutional by the SC,” ani Lacson.

Sinabi niyang maaaring hindi na mailabas ang mga pondong hindi pa nagagastos, habang maaaring hindi na mapawalang-bisa ang mga nagamit na.

Nangako naman si Senate finance committee chair Sen. JV Ejercito na hindi mauulit sa ilalim ng kanyang pamumuno ang mga kuwestiyonableng gawain sa pagbuo ng budget. Aniya, hindi nila dinagdagan ang unprogrammed appropriations sa 2026 budget lampas sa halagang iminungkahi sa National Expenditure Program (NEP).

“We will carefully study the court’s ruling, particularly its implications for the preparation, approval, and implementation of the 2027 national budget,” dagdag ni Ejercito.

Nangako rin si Senate President Pro Tempore Vicente Sotto III na ipagpapatuloy ang mga hakbang sa transparency, kabilang ang livestreaming ng mga pagdinig sa budget.

“What we did with the 2026 budget, if you recall, is we made it transparent,” ani Sotto. “That’s why I even recommended livestreaming, which we did.”

Tiniyak niyang hindi papayagan sa Senado ang mga pagbabago sa panukalang budget para sa 2027 na maaaring lumabag sa mga limitasyong itinakda ng korte.

“There were supposedly some changes … We will not allow it in the Senate,” aniya.

Ayon sa Korte Suprema, binago ng Kongreso ang orihinal na panukala ng Pangulo sa pamamagitan ng paglilipat ng pondo mula sa mga programang nakasaad sa NEP upang magkaroon ng puwang para sa ibang alokasyon.

“Congress is constitutionally prohibited from increasing the President’s total recommended appropriations in the Budget of Expenditures and Sources of Financing, which covers both programmed and unprogrammed appropriations,” ayon sa desisyon.

Ipinagbabawal din ng korte ang mga lump-sum allocation sa unprogrammed appropriations. Dapat malinaw ang pamantayan sa pagbibigay-priyoridad sa mga proyekto at naaayon ang pondo sa pambansang fiscal program.

Umabot sa ₱449.5 bilyon ang unprogrammed appropriations sa 2024 budget, ang pinakamataas mula nang ihiwalay ang kategoryang ito noong 1989. Nagdagdag ang Kongreso ng 43 bagong item na nagkakahalaga ng ₱303.1 bilyon.

Kabilang dito ang ₱59 bilyon para sa mga programang panlipunan sa kalusugan, social welfare, higher education at technical-vocational education, at ₱51.5 bilyon para sa counterpart funding ng mga proyektong may tulong mula sa ibang bansa.

Sinabi ng korte na “severely distorted the budget by defunding strategic development programs and projects” ang Kongreso, na lumikha ng “artificial” fiscal space para sa iba pang alokasyon.

Kinuwestiyon din nito ang Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs (Sagip), na bumuo sa humigit-kumulang 30 porsiyento ng unprogrammed funds sa 2024 at 2025 budget. Ayon sa korte, pinagsama nito ang magkakaibang layunin at nagbigay ng labis na kapangyarihan sa ehekutibo na pumili ng mga proyektong popondohan.

Tinawag ng korte ang Sagip na isang “covert repository of lump-sum allocations for DPWH.” Hindi na ito isinama sa 2026 budget.

Nagpasalamat si Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima sa korte dahil sa “setting clear constitutional limits” sa pondong dapat ay “to be a standby, not a slush fund.”

Gayunman, ikinalungkot niyang hindi tuluyang pinawalang-bisa ng korte ang standby funds.

Tinawag naman ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ang desisyon na isang “welcome, significant and long-overdue check on both branches.” Hinimok niya ang Kamara na bawiin at baguhin ang bersiyon nito ng 2027 budget upang matiyak na hindi na mauulit ang mga probisyong maaaring labag sa Konstitusyon.

Ayon kay Navotas Rep. Toby Tiangco, na bumoto laban sa panukalang budget ng Kamara, pinagtitibay ng desisyon ang pangangailangan sa transparency at pananagutan, lalo na sa mga lump-sum at discretionary allocation.

“Alterations to the budget cannot be made without clear explanation and accountability,” ani Tiangco.

“The budget must never serve as an instrument of power or self-interest. It should be a tool to uplift the lives of every Filipino. And we cannot achieve that without transparency and accountability,” dagdag niya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here