MANILA, Philippines – Nagpulong ang mga kumpanya ng platform at ang Department of Labor and Employment (DOLE) upang ilahad ang kanilang mga kasalukuyang inisyatibo at talakayin ang mga posibleng interbensyon para sa kaligtasan ng mga manggagawa sa gitna ng matinding init.
Kabilang sa tatalakayin ang mga praktikal na hakbang para maibsan ang epekto ng extreme heat sa kalusugan, kaligtasan at kabuhayan ng mga manggagawa, habang isinasaalang-alang ang operational requirements ng iba’t ibang platform business models.
Ang dayalogo ay karugtong ng naunang pakikipag-ugnayan ng DOLE sa mga platform company noong Hulyo 2026.
Sinusuportahan din nito ang pagsusulong ng Pilipinas sa decent work sa platform economy alinsunod sa ILO Convention No. 193 na pinagtibay ng International Labour Conference noong Hunyo 2026 bilang kauna-unahang international labor standard sa platform work.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, muling pinagtibay ng DOLE ang pangako nitong paigtingin ang kooperasyon sa mga platform company at iba pang stakeholders upang isulong ang mas ligtas na kapaligiran sa paggawa, palakasin ang proteksyon sa manggagawa, at tiyaking hindi isinasakripisyo ang kapakanan at dignidad ng manggagawang Pilipino sa gitna ng nagbabagong anyo ng trabaho.
Layunin ng dayalogo na tukuyin ang mga praktikal na interbensyong maaaring magkasamang isulong ng pamahalaan at ng mga kumpanya para sa kalusugan, kaligtasan at kabuhayan ng mga manggagawa.
Kabilang sa mga nakipagpulong kay Sec.Tolentino sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) kasama ang mga opisyal ng labor department at kinatawan mula sa technical working group ATIN, Flash Express, Foodpanda, Grab, Indrive, Lalamove, Lazada, Maxim (Taxsee Philippines), Move it, Ninja Van, Para Xpress Technology Services Inc., and Shopee. Jocelyn Tabangcura-Domenden