CAGAYAN DE ORO, Philippines – Arestado ang isang pulis na AWOL (Absent Without Official Leave) at isang sibilyan sa buy-bust operation noong Oktubre 22, matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu sa Barangay Kauswagan.
Ayon sa Police Regional Office-10 (PRO-10), dakong alas-3:19 ng hapon nang maaresto ang police corporal, na itinuturing na high-value target, sa isang NHA housing site. Nasamsam sa operasyon ang 0.64 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱4,352.
Sinabi ni PRO-10 Director Brig. Gen. Nestor Babagay Jr. na ipinapakita ng pagkakaaresto ang mahigpit na paglilinis sa hanay ng pulisya at pagsubaybay sa integridad ng mga tauhan nito.
“No one is above the law, and the uniform is never a shield against wrongdoing or accountability,” pahayag ni Babagay.
Inilipat ang pulis sa Regional Personnel Holding and Accounting Section noong Oktubre 2 matapos magpositibo sa shabu at marijuana sa random drug test noong Setyembre 21.
Ayon kay PRO-10 spokesperson Maj. Joann Navarro, nahaharap na rin ang pulis sa pre-charge investigation dahil sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer. May hiwalay din siyang kasong administratibo dahil sa grave neglect of duty kaugnay ng matagal niyang pagliban nang walang pahintulot.
“We will never tolerate wrongdoing within [our] ranks. He will be held accountable for his actions and face the appropriate administrative and criminal proceedings in accordance with the law,” ani Navarro. RNT/MDS