MANILA, Philippines – Isinasaalang-alang ng Senado ang pagbabawas ng humigit-kumulang P2 bilyon sa panukalang badyet nito para sa 2027 sa National Expenditure Program (NEP) upang magtakda ng halimbawa ng fiscal discipline para sa Kamara, ayon kay Senador Panfilo Lacson.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na maaaring gawin ito kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon ng badyet sa 2024 at 2025.
Ayon sa chairman ng Senate Committee on Accounts, na maipakikita ng planong pagbabawas ang pangako ng Senado sa mga reporma sa pagbabadyet nang hindi naaapektuhan ang operasyon nito.
“Magbabawas kami ng (mga) P2 billion just to set the trend for the House to follow. Ang House, nagdagdag ng P5 billion. The Senate is reducing our proposed budget from the NEP by P2 billion,” aniya.
Nasa P7.7 bilyon ang panukalang badyet ng Senado para sa 2027 sa NEP.
Sinabi ni Lacson na malamang na hindi maaapektuhan ng pagbabawas ang operasyon ng Senado dahil maaari pa itong gumamit ng mga pondong hindi nagamit mula sa badyet ng nakaraang taon.
“Maganda ang Supreme Court ruling because it has come at a time na kailangan ang reform sa budget,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Lacson na inaasahan ng Senado na makakakuha pa ito ng mga mungkahi para sa reporma sa badyet sa pagdinig sa darating na Lunes, kung saan magsisilbing resource persons ang mga miyembro ng mga civil society organization (CSO).
Binanggit niya na may mga iregularidad na itinuro ang ilang CSO sa panukalang badyet, kabilang ang proyektong farm-to-market road na nagkakahalaga ng P55 milyon na umano’y nakalaan para sa Quezon province ngunit ang mga koordinado sa mapa ay tumutukoy sa katubigan malapit sa Brunei.
“Ito ang mga disinterested, meaning walang self-interest, kundi purely pro-advocacy. Lumabas sa nakaraang hearing. Akala ko malayo na Leyte ang grid coordinates. Yun pala meron sa Brunei may mas malala. Na-break ang record ng Taguig,” aniya.
Samantala, nagbabala si Lacson laban sa panukalang bawiin ng Kamara ang bersiyon nito ng panukalang badyet para sa 2027, dahil maaari itong humantong sa reenacted budget o muling paggamit sa badyet ng nakaraang taon.
Sa halip, sinabi niyang dapat masusing suriin ng Senado ang bersiyon ng Kamara at alisin ang mga hindi kinakailangang alokasyon. Maaari namang ilahad ang mga pagtutol sa mga partikular na probisyon sa bicameral conference committee matapos maipasa ng Senado ang sarili nitong bersiyon ng panukalang badyet.
“Ang effect yan mag-re-reenact tayo which is worse. Hindi yan ang solution. The solution is for the Senate to really scrutinize and cut all the fat sa pinadala ng GAB ng House,” aniya.
“Ang resulta niyan mas masama, reenacted budget. Lahat ng 2026 nakafloat, walang itemized provision. The whole, pag reenacted, lump sum lahat yan, hindi yan ang solution,” dagdag niya.
“They should address their concerns sa kanilang colleagues sa House because their colleagues will be members of the bicam after the Senate passes our version,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Lacson ang pangangailangang panagutin ang mga nag-abuso sa mga probisyon ng mga badyet para sa 2024 at 2025 na idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon.
“Kailangan habulin ang mga nag-misuse sa provisions na sinabing unconstitutional… Noon pa wala pa kami sa Senate I was already calling out ang lumobong unprogrammed appropriations. Ginalaw ng ginalaw, this was 2024-2025, kaya sabi ko ito ang worst budgets ever even counting the 2013 Disbursement Acceleration Program na declared unconstitutional. I think this is even worse,” aniya.
Binanggit din ni Lacson ang “doctrine of operative fact,” kung saan ang pondong na-disburse na bago inilabas ng Korte Suprema ang ruling sa pagiging unconstitutional ng ilang probisyon ay hindi na pwedeng ma-invalidate, samantalang ang pondong hindi pa nagagamit matapos lumabas ang ruling ng Mataas na Hukuman ay hindi na pwedeng gamitin.
“(Kung) before the Supreme Court ruling nagamit na, disbursed na, hindi mo pwedeng habulin yan,” aniya. Ernie Reyes