Home NATIONWIDE PCG nagbabala sa posibleng pagbagsak ng debris ng Chinese rocket sa karagatang...

PCG nagbabala sa posibleng pagbagsak ng debris ng Chinese rocket sa karagatang sakop ng Pinas

3
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine Coast Guard (PCG) na posibleng bumagsak sa karagatang sakop ng Pilipinas ang mga debris mula sa Long March 8A rocket ng China sa Linggo, Oktubre 25.

Sa advisory ng Coast Guard District (CGD)-Palawan, pinayuhan ang mga mandaragat, fishing vessel, pampasaherong barko at cargo vessel na umiwas o mag-ingat sa mga itinalagang drop zone sa oras ng paglulunsad.

Ayon sa Philippine Space Agency (PhilSA), nakatakdang ilunsad ang rocket mula sa Wenchang, Hainan, China sa pagitan ng 9:42 a.m. at 10:34 a.m., oras sa Pilipinas.

Kabilang sa mga lugar na posibleng maapektuhan ang mga karagatang 107 nautical miles mula sa Patag Island, 122 nautical miles mula sa Bajo de Masinloc, 164 nautical miles mula sa El Nido, Palawan, 167 nautical miles mula sa Busuanga, Palawan, at 122 nautical miles mula sa Puerto Princesa, Palawan.

Posible ring bumagsak ang debris sa mga lugar na 42 nautical miles mula sa Tubbataha Reefs Natural Park, 53 nautical miles mula sa Pangutaran Island, Sulu, at 42 nautical miles mula sa Hadji Muhtamad, Basilan.

Hinimok ng PCG ang mga mandaragat na subaybayan ang mga opisyal na babala at abiso sa nabigasyon mula sa ahensiya at iba pang kinauukulang tanggapan ng pamahalaan.

Pinayuhan din ang publiko na huwag hawakan, pulutin o ilipat ang anumang pinaghihinalaang rocket debris o hindi kilalang bagay na makita sa dagat o baybayin. Dapat itong iulat sa pinakamalapit na yunit ng PCG o sa kinauukulang awtoridad. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here