MANILA, Philippines – Unti-unting ipatutupad ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Lino Cayetano ang mga pagbabago sa ahensya, batay sa regular na pagsusuri sa trabaho at pangangailangan ng bawat tanggapan.
Layunin nitong mapabuti ang serbisyo habang tinitiyak na tuloy-tuloy ang operasyon ng PCO at mga ahensyang sakop nito.
Sa panayam ng Malacañang Press Corps nitong Biyernes, sinabi ni Cayetano na walang takdang panahon ang mga pagbabago dahil nakadepende ang mga ito sa resulta ng pagsusuri at sa mga pangangailangan ng ahensya.
“I think that (changes) will be a process as long as I’m here. May iba na ilang araw, may ilan na ilang buwan, may ilan na down the road,” ani Cayetano.
Binigyang-diin ni Cayetano na kailangang patuloy na gumana ang PCO at mga ahensyang sakop nito habang isinasagawa ang mga pagbabago.
“Kailangan bukas, gumagalaw. Importante ang lahat ng attached agencies natin. Ang PCO, importante,” ani Cayetano.
Ipinaliwanag ni Cayetano na hindi agad magkakaroon ng malawakang pagbabago sa mga tauhan pagkalipas lamang ng ilang linggo o isang buwan. Sa halip, regular na susuriin ang kanilang trabaho upang matukoy kung ano pa ang kailangang pagbutihin.
“So I think it’s, hindi siya after two weeks, meron tayong reshuffle agad. After one month, meron tayong complete evaluation. Hindi ganun yung approach natin dito,” ani Cayetano.
Dagdag ni Cayetano, patuloy ding palalakasin ng PCO ang pakikipagtulungan sa media upang mas malinaw na maipaliwanag sa publiko ang mga programa at polisiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“But it’s really a continuous effort to try to become a real partner of the media in being able to share the message of the President,” ayon sa PCO chief.
Sinabi rin ni Cayetano na bahagi ng kanyang pamumuno ang araw-araw na pagsusuri sa trabaho upang makita kung paano pa mapagbubuti ang serbisyo ng ahensya.
“So para sa akin, araw-araw we evaluate. And every day, we want to get better. Same with me,” ani Cayetano.
Idinagdag ng PCO chief na nauunawaan niya kung sakaling italaga siya ng Pangulo sa ibang ahensya o pumili ito ng ibang mamumuno sa PCO, basta makatutulong ito sa pagpapatupad ng mga programa para sa mga Pilipino.
“If the President wants me to push forward an agenda for the Filipino people in another department, or he wants someone to push forward the agenda for the Filipino people in this department, maintindihan ko yung ating Pangulo,” ani Cayetano.
Binigyang-diin niya na ang pangunahing layunin ng paglilingkod sa pamahalaan ay mapabuti ang mga serbisyo para sa mamamayan.
“Iba yung mag-serbisyo ka sa pribado, iba sa gobyerno. Dahil sa gobyerno, ang talagang mandato natin, mapaganda yung serbisyo sa mga kababayan,” pagtatapos ni Cayetano. (KRIS JOSE)