MANILA, Philippines – Nanawagan ang ilang organisasyon, civil society groups at mga lider sa Bangsamoro kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makipagpulong kay Moro Islamic Liberation Front (MILF) Chairperson Al Haj Murad Ebrahim bago ang Oktubre 30.
Nauna nang kinumpirma ng Malacañang na inaayos nito ang pagpupulong ng dalawa upang pormal na talakayin ang exit agreement, na mahalagang bahagi ng pagkumpleto sa proseso ng kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at MILF. Gayunman, wala pang itinakdang petsa para sa pulong.
“We welcome the Palace’s word that a meeting is being scheduled. Mr. President, please meet Chairman Murad before October 30,” ayon sa pahayag ng mga ulama, civil society groups, tradisyonal na lider, settlers at Indigenous Peoples sa Bangsamoro.
Sa Oktubre 30 gaganapin ang inaugural session ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kung saan ihahalal din ang chief minister nito.
Nanawagan din ang mga grupo kay Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr. na buksan ang Malacañang para sa makasaysayang pagpupulong.
Ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro ay kasunduang pangkapayapaan na nilagdaan ng pamahalaan sa ilalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at MILF noong 2014, matapos ang 17 taon ng negosasyon.
“The father began it. The son can finish it,” pahayag ng mga grupo.
Sinabi rin nilang maglalakad at magdarasal sila sa loob ng walong araw bago idaos ng BARMM parliament ang unang pagpupulong nito. RNT/MDS