MANILA, Philippines – Itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang mga panuntunang dapat sundin ng mga distributor ng kuryente sa muling paniningil ng bill deposit o deposito na nagsisilbing garantiya sa anumang hindi nabayarang konsumo ng kuryente matapos ang takdang petsa ng bayaran.
Ayon sa ERC, kailangang magpadala ng nakasulat na abiso ang mga power distributor sa mga apektadong consumer bago muling maningil. Dapat nakasaad dito ang dahilan ng paniningil, paraan ng pagkukuwenta ng halaga at opsiyon ng consumer na bayaran ito sa tatlong pantay na buwanang hulog.
Kailangang bayaran ang muling siningil na bill deposit sa loob ng tatlong buwanang hulog, maliban kung pipiliin ng consumer na bayaran ito nang buo o papayagan ng distributor ang mas mahabang panahon ng pagbabayad.
Mas maaga nitong linggo, ipinagpaliban ng Manila Electric Company (Meralco) sa susunod na taon ang paniningil ng na-update na bill deposit sa milyun-milyong consumer nito.
Nangyari ito matapos mag-post online ang ilang consumer ng kanilang mga bill sa Oktubre 2026 na halos dumoble o nadagdagan ng libo-libong piso dahil isinama ang bill deposit sa bahagi ng singil na tinatawag na “other charges.”
Ayon sa Meralco, nasa 20,000 sa mahigit walong milyong customer nito ang pinagbabayad ng karagdagang deposito matapos hindi makabayad ng kanilang bill sa takdang oras. RNT/MDS