MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na mananatiling hindi nagbabago ang presyo ng 204 pangunahing bilihin at prime commodities hanggang Disyembre 31, 2026, matapos itong mapagkasunduan ng mga manufacturer at retailer.
Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, nagkasundo ang pribadong sektor at DTI na panatilihing matatag ang presyo ng mga produktong saklaw ng ahensiya.
Kabilang sa mga produktong saklaw ng suggested retail price (SRP) ng DTI ang sardinas, gatas, kape, tinapay, instant noodles, asin, bottled water, detergent, laundry soap at kandila.
Kasama rin dito ang luncheon meat, meat loaf, corned beef, beef loaf, mga pampalasa, sabon panligo at baterya.
Itinanggi rin ng kalihim ang mga ulat tungkol sa panic buying ng bottled water dahil sa pangamba sa El Niño. Sinabi niyang kamakailan ay bumisita siya sa isang planta na kayang gumawa ng 65,000 bote kada oras. Mayroon umanong 200 planta ang naturang kumpanya sa buong bansa.
Samantala, maglalabas ang DTI ng abiso tungkol sa presyo ng mga produktong pang-Noche Buena bago ang kapaskuhan, habang patuloy ang pakikipag-ugnayan nito sa pribadong sektor. RNT/MDS