MANILA, Philippines – Muling tinanggihan ng Sandiganbayan Third Division ang mosyon ni dating Senador Bong Revilla na pigilan si Associate Justice Karl Miranda na lumahok sa paglilitis ng kanyang kasong malversation.
Sa desisyong inilabas noong Oktubre 22 at ipinadala lamang noong Biyernes, ibinasura ng korte ang motion for reconsideration ni Revilla laban sa resolusyon noong Setyembre 24 na tumanggi sa kanyang ikalawang mosyon para sa inhibition ni Miranda.
“The court found the Motion for Reconsideration to be without merit and, accordingly, affirmed the denial of Revilla’s Second Motion for Inhibition,” ayon sa korte.
Sinabi rin ng Sandiganbayan na natalakay na sa naunang resolusyon ang mga puntong inilahad ni Revilla. Wala rin umanong bagong ebidensiya na malinaw at kapani-paniwalang magpapatunay na may pagkiling o pagtatangi si Miranda upang hindi ito lumahok sa paglilitis.
Sa ikalawang mosyon, iginiit ni Revilla na kamag-anak umano ni Miranda ang abogado ng state witness na si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo. Sinabi rin niyang labis na umasa ang mahistrado sa testimonya ni Bernardo at nagpakita umano ito ng paunang paghusga bago bumoto laban sa kanyang kahilingan para sa piyansa.
Ang kaso ay may kaugnayan sa umano’y ghost flood control project na nagkakahalaga ng ₱92.8 milyon sa Pandi, Bulacan, kasama ang anim na kapwa akusado ni Revilla.
Noong Pebrero, tinanggihan na rin ng Third Division ang unang mosyon ni Revilla para sa inhibition ni Miranda.
Sa kabila nito, nakalaya si Revilla sa ilalim ng ₱1 milyong piyansa matapos bumoto ang Third Division sa botong 2-1 upang payagan ang kanyang pansamantalang paglaya. Bumoto pabor sa piyansa sina Associate Justice Ronald Moreno at Associate Justice Fritz Bryn Delos Santos. RNT/MDS