Home METRO Pagkukumpuni ng dike sa Bulacan, pinabibilis ng DPWH

Pagkukumpuni ng dike sa Bulacan, pinabibilis ng DPWH

1
0

BULACAN, Philippines – Pinabibilis ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagkukumpuni at pagkumpleto ng mga dike sa Bulacan, kabilang ang 1.8-kilometrong bahagi sa kahabaan ng Bagbag River sa Barangay Calizon, Calumpit, na matagal nang bulnerable sa pagbaha.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, naglaan ng ₱576 milyon para sa proyekto. Mahigpit na babantayan ang disenyo, bidding, at konstruksyon upang matiyak na matatapos ito sa unang bahagi ng 2027.

Sinabi ni Dizon na kailangang ayusin ng ahensya ang mga hindi natapos na proyekto na nag-iwan sa mga komunidad na lantad sa pagbaha. Nahaharap na umano sa mga kaso ang mga kontratistang sangkot sa mga naunang iregularidad.

Naging usapin sa buong bansa ang problema matapos ibunyag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na may mga flood control structure na hindi natapos o hindi man lang naitayo kahit bayad na nang buo. Dahil dito, mas pinaigting ang pagsisiyasat sa mga dating kontratista at ang panawagang maibalik ang tiwala ng publiko sa DPWH.

Kabilang sa mga ginagawa sa proyekto ang pagsasara sa mga bahaging kulang, pagpapatibay sa mga nasirang bahagi, at pagtiyak na gagana nang maayos ang dike bilang bahagi ng sistema ng proteksiyon laban sa baha sa Bulacan.

Ayon naman kay Calumpit Mayor Glorime “Lem” Faustino, pangungunahan ng lokal na pamahalaan ang monitoring at evaluation ng proyekto upang mapabuti ang koordinasyon sa DPWH—isang hakbang na aniya ay hindi nagawa noon.

Samantala, nangangamba ang mga residente ng Barangay Calizon na patuloy na nakararanas ng baha na umaabot hanggang hita at may halong putik. Nais nilang matiyak kung matatapos ang dike bago dumating ang panibagong malaking pagbaha. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here